Malapit sa pamilya ng isang kontrobersiyal na aktres ang nakakuwentuhan namin kailan lang. Nasubaybayan nito ang paglaki ng aktres, ang samahan ng kanilang pamilya na pagkaganda-ganda nu’n, pero biglang nasira at nahaluan ng kaasiman nang matuto nang makipagrelasyon ang aktres.
Spoiled ang aktres sa kanyang pamilya, lahat ng gusto niya ay madali niyang nakukuha, isang sabi lang niya ay mabilis pa sa alas kuwatro niyang naisasakatuparan ang kanyang mga kapritso.
Pero nang magdalaga na ang aktres ay unti-unti na siyang naging sakit ng ulo ng kanyang pamilya, maaga siyang nakipag-live-in, inaaway ang kanyang pamilya kapag nakakarinig siya ng pagtutol ng mga ito sa kanyang karelasyon.
Palibhasa’y spoiled nga, kapag nakipaghiwalay ang aktres sa kanyang boyfriend ay bukas na bukas pa rin ang pintuan ng kanilang bahay para tanggapin siya, palaging ganu’n ang senaryo.
Magmamahal siya, makikisama sa karelasyon niya, pero kapag zero na ang kanyang lovelife ay walang sabi-sabi siyang magbabalik sa kanilang bahay.
Pero may hangganan nga ang pang-unawa at pasensiya, naging sukdulan ang pagtatampo ng pamilya ng aktres sa kanya, kinaya niyang sagut-sagutin ang kanyang mga magulang dahil sa pagtatanggol sa pinakahuli niyang karelasyon.
“Grabe ang batang ‘yun, maldita, nakita ko kung paano siya minahal at inalagaan ng parents niya. Tama, spoiled nga siya, lahat ng gusto niya, nakukuha niya.
“Pero ‘di ba, dahil sobra-sobra nga ang love sa kanya ng family niya, e, mas dapat siyang magpakumbaba? Pero wala, nakasanayan na niyang gawin ang uuwi lang siya kapag gusto niya. Palibhasa, alam niyang hindi siya matitiis ng pamilya niya.
“Hurt na hurt ang family niya sa mga pinaggagagawa niya. Napakatigas ng ulo niya. Hindi rin niya kilala ang salitang humility. Buti pa nga ang saging, may puso,” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.
Mayor Erap kakaiba talaga ang karisma
Dati nang mainit sa PNP Custodial Center, pero ang init ay naging triple pa nu’ng Martes nang gabi, hindi kinaya ng lugar ang napakaraming bisitang nagdatingan para batiin ng maligayang kaarawan si Senador Jinggoy Estrada.
May kinatawan ang lahat ng antas ng lipunan sa espesyal na gabi ng aktor-pulitiko, kani-kanyang grupo at umpukan ang nangyari, kamesa namin si Colonel Jude Estrada na punong-abala rin sa pagtanggap ng mga bisita ng kanyang kuya.
Pagkatapos nang ilang taon ay nakakuwentuhan namin ang dalawang artistang pinagkakatiwalaan ng kanilang mga nasasakupan, sina Konsehal Yul Servo at Konsehal Robert Ortega, maganda ang kartada ng kanilang baraha bilang mga konsehal ng kanilang distrito sa Maynila.
May isang termino pa si Bonito (Robert Ortega) at makukumpleto na ni Yul ang kanyang pagseserbisyo bilang konsehal sa taong ito, may naririnig kaming balita na aakyat na sa Kongreso ang magaling na aktor na si Yul, pero puro ngiti lang naman ang isinasagot nito sa aming mga tanong.
Ang kalalabas lang sa ospital na si Precy Ejercito ang nag-asikaso sa mga cake na tinanggap ng kanyang mister, pati si Senador Bong Revilla ay umalalay sa kanyang kaibigan sa pag-eestima sa mga bisita, pero ang ningning ng gabi ay sumentro sa pagdating ni Pangulong-Mayor Erap Estrada.
Katangi-tangi talaga ang karisma ni Pangulong-Mayor Joseph Estrada, ulo pa lang niya ang nakikita ay parang humihinto na ang inog ng mundo ng lahat, walang nagmamando pero bigla mo na lang makikita ang lahat na tumatayo bilang pagsalubong sa kanya.
Komento ng isang katabi namin, “Ibang klase talaga si Asyong (Salonga), presensiya pa lang niya, ulam na!”