Karen, Atty. Castro, at K, tatalakayin ang pinakamaiinit na isyu
MANILA, Philippines – Tatlong personalidad. Tatlong perspektibo. Iba’t ibang opinyon. Iyan ang hatid ng inyong Kapamilyang mamamahayag na sina Karen Davila, at Atty. Claire Castro ng Usapang De Campanilla ng DZMM, at singer-comedienne na si K Brosas sa kanilang live na live na kwentuhan tuwing hapon sa 3-in-1, na bahagi ng bagong current affairs block ng ABS-CBN.
Layunin ng programa na mabigyan ng boses ang mga ordinaryong manonood sa mga sari-saring maiinit na balita at paksang naaapektuhan ang bawat Pilipino. Para naman mas malalim pang diskusyon, minsa’y mag-iimbita sina Karen, Atty. Claire, at K ng isang “Plus 1” o guest na sasalang sa hot seat. Hinihimok din ang mga manonood na sumali sa usapan sa pamamagitan ng phone-in at posts sa Twitter at Facebook.
Samahan ang trio sa pagtalakay sa maiinit na isyu gaya ng pagtaas ng presyo ng gasoline, kuryente, at iba pang pangunahing bilihin, ang sitwasyon ng MERS-CoV sa bansa, ang islang Balesin kung saan ikinasal sina Sen. Chiz Escudero at Heart Evangelista, pati na ang pagwawagi ni PO2 Neil Perez bilang Mr. International 2014.
Bukod pa riyan, sasalubungin din nina Karen, Atty. Claire, at K ang Chinese New Year sa kanilang live na pag-uusap ukol sa Year of the Wooden Sheep at ang magiging epekto nito sa pulitika, mga negosyo, at kabuhayan ng bansa. At ano nga ba ang hula ni K sa kanyang “Dear Tehhh” segment?
Kasama rin sa mas pinalakas na current affairs block ng ABS-CBN si Julius Babao sa Mission Possible (Lunes), Atom Araullo sa RealiTV (Miyerkules), Dyan Castillejo sa Sports U (Huwebes), at Anthony Taberna sa Tapatan ni Tunying (Biyernes).
Tutukan ang 3-in-1 ngayon (Feb. 17) sa ABS-CBN, 4:30 p.m.
- Latest