Kapag naaalala ng isang dating confidante ng isang premyadong aktres kung gaano kalaking halaga ng salapi ang parang hangin lang na dumaan sa mga palad niya ay napapailing ito nang pagkalakas-lakas.
Maagang komento ng source, “Banggitin n’yo na ang lahat ng klase ng pera. Peso, dollar, yen, pound, banggitin n’yo nang lahat at nakahawak siya nang milyun-milyong ganu’n.
Pero sa paglalarawan ng impormante ay isang buslong butas ang magkabilang palad ng premyadong aktres, nawalan ng saysay ang kanyang pagtatrabaho at pagsisikap, dahil wala siyang pagpapahalaga sa kanyang mga pinaghihirapan.
“Puro paglulustay ang alam niya, magpapabili siya ng pinakamahal na alak, magbibisyo siya, kaya ilang araw lang, e, todas na ang hawak-hawak niyang milyon.
“Ganu’n siya kalustay sa pera, wala siyang pakialam sa kinabukasan niya, ang kasalukuyan lang ang mahalaga para sa kanya,” dagdag na impormasyon ng aming source.
Wala siyang pakialam sa mga prayoridad, may mga pagkakataong puro disconnection notice ang dumarating sa kanyang bahay, kasi nga ay inuuna muna niyang pagkagastusan ang mga wala namang kabuluhang bagay kesa sa kanyang kabuhayan.
Nu’ng minsang dumating kuno ang premyadong aktres mula sa isang matagumpay na concert sa ibang bansa ay madlim na madilim ang kapaligiran.
“Naputulan sila ng kuryente, wala siyang iniwanang pambayad sa electricity. Milyon ang hawak niyang pera that night, magkano lang ang electric bill na kailangan niyang pabayaran?
“Wala sa bokabularyo niya ang priority, ayaw niya namang ipamahala sa iba ang pagbabayad, baka raw lokohin lang siya? Nu’ng mismong oras na ‘yun, hindi pa naibababa ang mga bagahe niya, nag-check-in na siya sa isang five-star hotel.
“Ang nakakatawa pa, napakaliit nu’n ng wallet niya sa dami ng perang kailangan niyang ikarga. Ngayon naman, ang liit-liit na nga ng wallet niya, pero wala siyang mailaman. Nakakaloka siya!” napapailing pang kuwento ng aming impormante.
Ubos na ubos!
Ipinamigay na numero sa mga magri-refund hindi sa kanya
Produ ng concert ni AiAi na si Jacob Fernandez hindi na dapat pagkatiwalaan!
May tao talagang sa halip na harapin na lang ang katotohanan at humingi ng dispensa ay nakakaya pang magmalaki at gumawa ng mga kuwento na puro naman kabalbalan para isalba ang kanyang pangalan.
Huling-huli na nga, buking na buking na, pero sa halip na makipag-usap sa taong inilagay niya sa pinakamataas na estado ng kahihiyan ay kung anu-anong kuwento pa ng kasinungalingan ang pinalulutang.
May kakapalan nga pala ang mukha ng nagpapanggap na prodyuser ng malalaking performers na si Jacob Fernandez. Nang makansela ang pre-Valentine concert ni AiAi delas Alas ay kinausap pa niya ang ilang manunulat at ipinakita ang hawak niyang listahan kuno ng ticket sales para sa palabas.
Ang numerong nasa listahan niya ay 56 lang, isang malaking kalokohan, dahil sa mga kakilala at kaibigan pa lang namin ay milyunan na ang kailangang i-refund nina Jacob at Faith Cuneta (na kung tawagin ng mga galit na nakabili ng tickets ay (Unfaithful Cuneta).
Harapin na lang kasi ang totoo na naging iresponsable siya, na nalustay niya ang benta ng concert tickets, na wala naman talaga siyang puhunan at iaasa lang niya ang pambayad sa produksiyon mula sa kanyang hawak na benta ng tickets.
Inilublob na nga niya sa kumunoy ng kahihiyan si AiAi ay mas pinatitindi pa niya ang sama ng loob nu’ng tao sa pangmemenos niya sa kapasidad ng Comedy Concert Queen, pinalalabas pa niya na ang totoong dahilan ng kanselasyon ay ang mabagal na bentahan ng tickets at hindi ang kanyang kairesponsablehan.
Kuwento ng isang balikbayan naming kaibigan na mahigit na dalawandaang libong piso ang kailangang makubra mula kay Jacob dahil sa biniling tickets ng kanyang grupo, “May ibinigay siyang number ng opisina niya for refund, pero wala namang sumasagot. Nu’ng minsang may sumagot, ang sabi naman, e, hindi raw siya si Jacob Fernandez!”
Malinaw na pinagtataguan na ngayon ng prodyuser ang mga nagpapa-refund ng tickets, zero na ang kredibilidad ng prodyuser na ito, palagi po nating tatandaan na ang kanyang pangalan ay Jacob Fernandez.