Aicelle napre-pressure sundan sina Noel Cabangon at Ely Buendia!

Bagaman at nanghihi­nayang si Aicelle Santos sa pagkakabuwag ng gru­po nila nina Maricris Gar­cia at Jonalyn Viray na La Diva, na itinutu­ring ko ring pinakamahusay na musical trio na nabuo, ipi­­­nagpapalagay na lamang niya na hudyat ito ng pagsosolo nilang tatlo for the growth of their respective careers.

Si Maricris, bukod sa pagkanta ay nagsisimula na ring umarte. Si Jonalyn naman ay nakakapag-solo concert na rin at gumagawa pa rin ng mga album.

“Ako ay nakapag-try na ng stage performance at nabibigyan na rin ng chance na umarte at gumawa rin ng album. What more can we ask for,” anang diva na humarap sa media para i-promote ang first solo concert niya na magsisilbi ring birthday celebration nito sa February 25 sa PETA Theater.

Feeling ni Aicelle ay handang-handa na siya matapos ang matagumpay na paglabas sa Rak of Aegis, kung saan ay itinanghal siyang Best Actress for a Musical.

Single at walang lovelife si Aicelle na sinabihan na mas gagaling siyang performer kung may inspiras­yon siya at hindi lamang umaa­sa sa suporta ng kanyang pamilya. “Wala eh, hindi pa siya dumara­ting. Hindi pa siguro panahon,” ang paliwanag niya.

“At this point mukha namang sapat na ang pa­mil­ya ko para mabigyan ako ng inspiration and support,” dagdag pa ng singer na abala sa rehearsal ng kanyang concert.

Dalangin niyang mapanood ng kanyang mga ma­­­hal sa buhay ang concert kasama na rito ang dati niya ka-miyembro sa La Diva na si Jonalyn.

Ba­­gaman at sinabi niyang hindi pa nababalik ng ganap ang friendship nila, naniniwala siyang magi­ging close silang muli.

Sina Regine Velasquez at Celeste Legaspi ang mga special na panauhin niya sa kanyang kon­­­syer­to. Marami ang nagtatanong kung bakit igi-guest niya si Celeste, eh for sure hindi naman hindi sila nag­kasabay. Hindi na ito aktibo nang magsimula siyang kumanta.

“Ako ang gumanap na Katy sa bagong bersyon nito. Eh, ‘di ba siya ang original na gumanap ng role? I had to know her para malaman kung may ibubuga ba ako na maging kasunod niya,” pag-amin ng si­nger na nagtapos ng kursong Psychology.

Siya ang ikatlong artist na pinayagan ng PETA na magpalabas sa teatro nito. Sinundan niya sina Noel Cabangon at Ely Buendia.

“Kaya nga mas pressured ako. Pero gagalingan ko. Pramis, gagalingan ko,” pangako niya.

‘Mahiwagang Black Box’ sagot sa malabong signal ng TV

Akala ko naman ay kung ano na ‘yung ‘Mahiwagang Black Box’ na ipinanga­ngalandakan nung una ni Sarah Geronimo sa isang TVC. Ito pala ay isang ma­kabagong gadget, isang digital box na magbibigay ng pinakamalaking pagba­bago sa ating pa­­nonood ng TV sa pamamagitan ng mas klarong pa­­labas at ka­ragdagang exclusive channels na ma­papanood ng libre.

Mas maraming channels na rin ang mapagpipi­lian ng mga manonood. Bukod sa ABS-CBN at ABS CBN Sports + Action, may kalakip itong apat na libreng digital TV channels na eksklusibong ma­kukuha lang kapag nagkabit ng ABS-CBN TV plus. Kabilang na rito ang CineMo, isang all-day movie channel tampok ang mga blockbuster na pelikula ng mga paborito nating mga artista. May channel din para sa mga bata, ang Yey  kung saan mapapanood ang mga Tagalized version ng mga sikat at popular na cartoon. Andyan din ang Know­ledge Channel na magbibigay ng mga educational programs na pasado sa DepEd. Pinakahuli ang DZMM Teleradyo, ang TV channel ng mga pangunahing AM station sa radyo.

Sulit ang pagbili ng Mahiwagang Black Box sa hala­gang P2,500. Wala itong monthly o installation fee na puwedeng ikabit sa kahit anong klase o model ng TV, luma man o bago.

Derek ayaw makisawsaw sa nagbalik na ‘awayan’

Nakapagtataka ba kung madamay sina Derek Ram­say at maaring si John Lloyd Cruz din, na mga ex at present BF ni Angelica Panganiban dahil sa mga rebelasyon na ginawa nito sa programang Gan­dang Gabi Vice. Ipinagmalaki kasi niya na siya ang nagwagi nang maagaw niya si Lloydie kay Shaina Magdayao. Siyempre nag-react ang fans nila sa inaakala nilang injustice na nangyari. Wala pang reaksyon si Loydie, pero si Derek ay nagsabi nang wala siyang balak makialam at wala siyang alam sa isyu. Buti na lang!

Gretchen at Marjorie walang kuwenta ang problema

Hindi talaga matatapos ang giyera sa pagitan ng magkapatid na Gret­chen at Marjorie Barretto. Kahit kaunti at walang kuwentang bagay ay pinag-aa­wa­­yan nila. At nadamay pa si Liza Soberano dahil lang hanga sa kanya si La Greta.

Kailangang-kailangan marahil ni Marjorie ng su­­porta para kay Julia Barretto, sa rami ng kumo­kon­dena rito dahil sa hindi magandang pagtrato kay Dennis Padilla. Makakabawas pa ng ganda point nito kung pati ang tiyahing si Gretchen ay ‘di rin boto sa kanya. Tsk. Tsk. Tsk.

Eula minadaling ipasok sa serye?!

Nagmadali sa taping si Eula Valdez para sa The Half Sisters na napanood kahapon na sa Mexico, Pampanga ang setting. Fiesta scene ang part ng parade ni Eula. May kasama itong 200 ekstra na lumobo ang bilang nang malamang eksena ito ng isang teleserye. Mahirap ang eksena pero dahil naging cooperative naman ang lahat kung kaya mabilis itong natapos at naipalabas.

Lumabas na ang character ni Eula na si Isabel Zuniga at bongga ang paglabas niya. Talagang binigyan siya ng pagpapahalaga ng network dahil kahit guesting ay tinanggap niya ang role. Abangan ang paghaharap nila ni Rina (Jean Garcia).

Show comments