MANILA, Philippines - Walang plano ang mag-sweetheart na Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli sa Sabado, Valentine’s Day. Say ni Sarah sa mabilis na interbyuhan kahapon after siyang i-present bilang newest ambassador ng San San Cosmetics, may trabaho siya sa Sabado, dahil live ang The Voice.
“Wala naman pong plano kasi pareho kaming may trabaho sa Valentine’s Day. Wala, hindi kami magkasama sa Valentine’s,” deklara niya. Kasi naman wala raw talaga silang oras, isinisingit-singit lang nila ang pagdi-date ng BF sabi pa ng pop superstar na mas gustong i-highlight ang kanyang natural features, ang casual pero fresh look ang peg na isa raw sa mga paraan para maging totoo siya sa kanyang sarili.
Mas importante raw ang pagmamahal at understanding kesa sa regalo nila sa isa’t isa ng aktor na karelasyon.
Pero umamin siyang may time na pinag-uusapan nila ang kasal. “Pero alam naman po naming pareho na madami kaming dapat ayusin sa sarili namin,” sabi niya at aminadong hindi pa niya masabi kung sila na nga ng aktor ang forever.
Nabanggit din ni Sarah na tuloy na ang movie nila ni Piolo Pascual pero wala raw siyang alam sa pelikulang sinasabing pagsasamahan nila ni Lee Min Ho.
Anyway, proud rin si Sarah sa kanyang adbokasya na dapat tangkilikin ng mga babae ang natural na kagandahan. Dagdag din niya na ibinibigay ng San San Cosmetics ng HBC ang umano’y best of both worlds – ang healthy, simple, beautiful look every day.
“Masaya ako na kabilang na ako ngayon sa San San Cosmetics family dahil parehas kami ng advocacy na kailangang i-encourage ang mga kababaihan na mahalin ang kanilang natural na angking ganda. It is beautiful to be simple,” sabi ni Sarah.
AIAI magde-demanda?!
Excited pa naman akong manood ng concert ni AiAi delas Alas na Ai Heart Papa, naudlot pa. Ito ay matapos ang kapalpakan ng producer na si Jacob Fernandez.
At ang nakakaloka, 8:00 p.m., last Wednesday night lang niya (AiAi) nalaman na hindi na tuloy ang concert niya the following night (Thursday) dahil nag-decide na ang Solaire Resort and Casino na i-cancel ang contract kay Mr. Fernandez dahil hindi ito (producer) nakabayad ng cash payment sa venue na nakasaad sa pinirmahan niyang contract.
Eh ang bayad pala sa venue, almost P1.5 million.
Kaya 6:00 p.m. pa lang daw ng Wednesday, cancelled na ang reservation ng concert ni AiAi. Bago ito nalaman ng comedy actress, siya na ang naglabas ng pera para bayaran ang banda, sound system at ilan pang makakasama sana nila sa concert.
“Doon na nagsabay-sabay lahat ng problema,” kuwento ni AiAi sa ipinatawag niyang emegency presscon kahapon ng tanghali.
Plinano niya sanang ituloy pero nang malaman niyang hindi bayad ang venue, nag-decide na siyang i-kansela.
“Nung mag-back out si Papa Chen (Richard Yap) naisip ko na ring mag-back out. Pero naisip kong nanghingi siya ng tulong so gusto kong tulungan para naman makabawi siya. Saka hindi naman ako judgemental na tao. Ayokong husgahan agad kahit marami akong naririnig sa kanya. Saka hindi naman ako basta nakikinig sa hearsays. Ngayon hindi na uli ako makikipag-trabaho sa kanya,” dagdag ni AiAi.
Sinabi rin niyang anything about Jacob na ginagamit ang pangalan niya ay wala na siyang kinalaman.
Hindi pa niya alam kung idedemanda niya si Mr. Fernandez na aminado naman siyang tinulungan siya noon sa concert niya sa Folk Arts Theater. “Tatlo kasi kaming producer noon. Eh nag-back out ang isa, so siya ang sumalo,” pag-aalala ni AiAi sa ginawa nito more than two decades ago.
Kakausapin muna niya ang kanyang lawyer sa possible action sa nasabing producer.
Dahil nahihiya siya sa mga nakabili na ng mga ticket, nag-decide siya magkaroon ng free concert sa May 16. Pero wala pang venue pero definite na ang nasabing petsa.
“Ang magandang balita naman, sa May 16, ay magkakaroon po ako ng free shows for all of my fans at lahat po ng tiket na hindi na naisoli, ‘yun na po, ipapakita lang nila ‘yon at lahat ‘yon ihu-honor namin!
“’Yun pong mga ibang mga ticket, ‘yung mga tickets sa show ko na noon-noon pa, or any receipt ng album ko, ipapakita lang po ninyo roon!” sabi niya.
Magkano ang nawala sa kanya sa show? “Wala naman ‘yung pera pero ‘yung mga naabalang tao. Nakakahinayang. Waste of energy, time and effort,” sabi niya.
Hay sayang naman. Ang tagal na ring hindi nakakapag-concert ang comedy actress at nagsipag talaga siya para i-promote ito.