Albie ginagamit na lang ang anak ni Andi?!

Maganda na sana ang takbo ng karera ni Albie Casiño sa TV5 kung hindi lamang sa mga pinagsasasabi na naman niya tungkol sa anak ni Andi Eigenmann. Tsk. Tsk. Tsk. Ngayon ay hinahamon niya si Andi na ipa-DNA test ang bata para magkaalaman na.

Ewan ko kung gagawin ni Andi ang hinihingi n­iyang DNA test. Kung noon hindi nito ginawa, ngayon pa kayang malaki na ang bata? Mahalaga pa ba sa aktres na ipaalam ang tunay na ama ng anak niya? At kay Albie naman, wala bang lukso ng dugo siyang naramdaman nang makita maski na ang mga larawan lang ng bata?

Lovi gustong karerin ang pagkanta

Hindi naman ibig sabihin ay nagsasawa na si Lovi Poe sa pag-arte, pero nasisiyahan din siya kapag nabibigyan ng pagkakataon na magbakasyon at pansamantalang iwan ang kanyang trabaho. Ka­tulad na lamanag nitong bakasyon nila ng boyfriend niyang si Rocco Nacino sa Baguio kung saan ay talagang napaka-lamig ng panahon.

Sinasamantala nila ang panahon para mai-celebrate ang birthday ng aktres (February 11), at Valentine’s Day na rin. Hindi kasi sila magkasama sa Araw ng mga Puso dahil si Lovi lang ang invited sa kasal nina Heart Evangelista at Sen. Chiz Escudero sa Balesin in Quezon Province.

Sa taong ito, balak ni Lovi na pagtuunan naman ng panahon ang kanyang pagkanta. “Kakaririn ko na rin ang pagkanta. Nari-relax ako when I sing. Nag-i-enjoy ako while working,” sabi niya.

Kris kumukonti na ang mga ‘kaaway’

Kung marami ang patuloy na bina-bash ang presidential sister na si Kris Aquino sa naging kapalpakan ni P-Noy sa ‘di nito pagsalubong sa mga labi ng Fallen 44 ng SAF, nagsisimula na rin magbago ang ihip ng hangin sa kanya dahil marami na ang humingi sa kanya ng dispensa. Katulad na lang ni Jerika Ejercito na nauna na ang ama na si Erap na mag-sorry kay Kris para sa kanya.

Ewan ko ba naman kung bakit hihintayin pa ni Jerika na mag-subside ang kaguluhan bago siya makipag-ayos kay Kris kung magagawa naman niya ngayon. Si Anjo Yllana, nag-sorry na rin kay Kris dahil sa mga masasakit na salita na ibinato ng kapatid niyang si Jomari Yllana kay P-Noy na itinuturing na malaking kabastusan ng marami.

Marami naman sa mga ipinagdamdam ni Kris na kasamahan niya sa industriya ay siya na mismo ang nakipag-ayos. All’s well that ends well.

Pokwang ‘bulag’ sa pag-ibig!

Kaya palang talikdan ni Pokwang ang matagumpay niyang career bilang artista in the name of love. Batid na ng lahat ang ralasyon nila ng aktor na si Lee O’Brian na naging opisyal noong January 20. Dati’y tinutukso-tukso lamang sila, pero matapos ang promo ng kanilang movie for TFC na Edsa Woolworth ay inamin din ni Pokey na sinagot na niya ang panliligaw ng aktor. Bagaman at nakabalik na ito ng US, nangako itong magbabakasyon uli sa ‘Pinas para magkasamang muli sila ng komedyante.

Seryoso si Pokwang sa Amerikanong boyfriend. Katunayan, may mga mapagkakatiwalaang source ang nagsabi na payag itong iwan ang kanyang pag-aartista para mamuhay sa Amerika kasama ang boyfriend at maging ang nag-iisa niyang anak.

James at Nadine magpapakilig sa MMK

Isang Valentine’s Day presentation ang hatid sa viewers ng Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ngayong Sabado (Pebrero 14). Tampok ang patok na JaDine loveteam nina James Reid at Nadine Lustre.

Gaganap sina James at Nadine bilang sina Yong at Carmina, ang magkarelasyong pinagbuklod ng labis na pagkahilig ng huli sa love stories at sa listahan ng mga palatandaang magdadala sa kanya patungo kay Mr. Right.

Matutulungan ba ng mga love sign sina Yong at Carmina sa sandaling dumaan sa pagsubok ang kanilang relasyon?

Bahagi rin ng MMK Valentine special sina Sharmaine Arnaiz, Hyasmin Neri, Andre Garcia, Aina Solano, Erin Ocampo, Myrtle Sarosa, Nicole Barranda, Kyra Custodio, Axel Torres, Onse, Noel Colet, at Marites Samson. Ito ay sa ilalim ng direskyon ni Frasco Mortiz at panulat nina Benson Logronio at Arah Jell Badayos.

Show comments