Magkasama kami ng ating kaibigan at kasamahan sa panulat na si Ronald Constantino na dumalaw kay Master Showman at veteran TV host na si German “Kuya Germs” Moreno sa kanyang tahanan last Sunday early evening.
Sandali namin nakakuwentuhan si Kuya Germs pero hindi kami nagtagal para hindi siya mapagod at makapagpahinga ito.
Ayon kay Kuya Germs, hindi pa siya makalakad dahil mahina pa umano ang kanyang mga tuhod at hindi pa rin nagpa-function ang kanyang right arm kaya tuluy-tuloy ang kanyang therapy at follow-up check-up sa St. Luke’s Medical Center in Quezon City. Meron ding round-the-clock nurse na kasa-kasama ni Kuya Germs sa bahay.
Ang makabalik sa kanyang trabaho ang driving force ni Kuya Germs kaya gusto niyang gumaling kaagad, pero baka abutin pa umano ito ng tatlong buwan.
Habang nagpapagaling si Kuya Germs, patuloy pa rin ang kanyang long-running midnight show, Walang Tulugan with the Master Showman.
Ang Walang Tulugan with the Master Showman ay nasa kanyang ika-19th year na.
Kring-Kring tatakbong mayor ng Tacloban?!
Hindi isinasara ni Kring Kring (Cristina) Romualdez ang posibilidad na ipagpatuloy niya ang kanyang karera sa pulitika ngayong malapit nang magtapos ang kanyang ikatlong termino bilang konsehal ng Tacloban City. Marami ang humihimok sa misis ni Tacloban Mayor Alfred Romualdez na ito’y kumandidato sa pagka-mayor ng Tacloban. Third and last term na rin ni Mayor Alfred bilang alkalde ng Tacloban.
Ang maganda kasi kay Kring-Kring, hindi lamang siya First Lady at konsehal ng Tacloban kundi kaagapay din siya ng kanyang mister sa iba’t ibang proyekto nito ng siyudad.
Si Mayor Alfred Romualdez naman ay inaasahang tatakbo sa mas mataas na posisyon tulad ng pagiging gobernador ng Leyte o ‘di kaya sa pagka-senador. Minsan na rin siyang nagsilbi bilang kinatawan ng unang distrito ng Leyte kung saan ang kanyang pinsan na si Ferdinand Martin Romualdez ay magtatapos na rin ng kanyang final term bilang kongresista.
Sina Congressman Ferdinand at Mayor Alfred ay parehong pamangkin ng dating Unang Ginang at ngayon ay kinatawan ng Ilocos Norte na si Madam Imelda Marcos.