Sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon lang umimik si Albie Casiño sa bintang na siya ang ama ng anak ni Andi Eigenmann. Kung bakit naman kasi hindi niya ipinagpilitang ipa-DNA ang sinasabing anak niya para lumabas na ang totoo. Kaysa naman wala siyang acknowledgement na anak nga niya ito.
“Sa simula pa lamang ay dalawa na kaming sangkot ni Jake Ejercito. Palaging kaming dalawa lamang kaya paano namang sa akin lamang natuon ang bintang? Wala naman silang maiturong konkretong ebidensya. Basta itinuro na lamang na ako nga ang ama. Wala ni DNA results. Hindi ko alam kung bakit agad-agad ay ako ang pinaniwalaang ama ng bata,” pagtatapat ng batang aktor na ngayon lamang nagpasyang magsalita tungkol sa isyu sa bata at sinabing ito na ang una at huling pagkakataon siyang magsasalita tungkol dito.
Walang panghihinayang si Albie na malaki ang naging epekto sa kanyang career. Dahil dito, nagawa niyang balikan ang kanyang pag-aaral. At ngayon, binibigyan siya ng magagandang proyekto ng TV5. Wish niya na magtuluy-tuloy na ang kanyang muling pagbabalik-showbiz.
Jake dapat nang pakawalan si Bea
Wala naman sigurong dapat ikabahala si Jake Vargas sa pagkakasakit ni Kuya Germs na tumatayong manager nito. Mas concerned siya sa health nito at ipinagdarasal ang mabilis na paggaling ng manager. Batid niya ang pagkagiliw ni Kuya Germs sa trabaho nito at mabilis siyang gagaling dahil marami ang naghihintay sa kanyang pagbabalik.
‘Yung trabaho naman niya ay kaya niyang asikasuhing mag-isa. Kinokontak naman siya personally ng mga gustong kumuha ng kanyang serbisyo. At tumutulong din sa kanya ang GMA kung kinakailangan. May mga tumatakbo pa siyang programa sa network. Kapag natapos ang mga ito ay siguradong bibigyan pa siya ng iba pa dahil magaling naman siyang artista. Bukod pa sa magaling din itong kumanta at maggitara. Malaki na rin ang following niya at nakagawa na ng ilang indie films kung saan ay nagpamalas siya ng husay sa pag-arte.
As for their loveteam naman nila ni Bea Binene, huwag na silang makipagkumpitensya pa kina Elmo Magalona at Janine Gutierrez at Miguel Tanfelix at Bianca Umali dahil puwede naman silang maghiwalay at makipagtambal pa sa iba. Yes, hindi pa nila katapusan kapag nabuwag ang loveteam nila.
Baguhang si Shan Morales pinasisikat
May isang bago at batang singer ang nagtatangkang makilala sa larangan ng showbiz. Siya ang 16 na taong gulang na si Shan Morales. Graduating ito sa taong ito sa isang iskwelahan ng high school sa San Jose del Monte, Bulacan kung saan sila naninirahan. Kukuha siya ng kursong MassCom sa college para magamit at makatulong sa gagawin niyang pagpasok sa showbiz.
Limang taong gulang pa lamang ay kumakanta na ang magandang si Shan. Para sa isang baguhan, napakasuwerte niya na mabigyan ng pagkakataon ng RSR Music Recording na makagawa ng isang album na pinamagatang Wagas at Totoo. Ito rin ang titulo ng kanyang unang single na naririnig ngayon ng madalas sa radyo. Lahat ng kanta sa album niya ay gawa ni Ariel Batausa.
Naririnig din ang boses ni Shan bilang isa sa mga host ng programang Showbiz Sabado, 12 noon sa DZME 1530. Kasama niya sa programa sina Direk Elmer de Vera at Edzel Cadil na may live streaming sa www.radyouno.com.ph.