Wansapanataym nina Julia at Iñigo huling bahagi na!

MANILA, Philippines - Halaga ng pagiging mabuti sa kapwa ang hu­ling aral na ibabahagi nina Julia Barretto at Iñigo Pascual sa The Sparkling Finale ng  Wansapanataym Presents Wish Upon a Lusis ngayong Linggo (Peb­rero 8). Sa pagkawala ng isa sa kanyang mga magic lusis na may kapangyarihang tuparin ang anumang hiling, magdedesisyon si Joy (Julia) na isakripisyo ang kanyang natitirang kahili­ngan para ibigay na lamang ito sa nagnakaw na si Minerva (Susan Africa). Matutupad pa kaya ang kahilingan ni Joy na magkaroon ng sariling pamilya ngayong ubos na ang mga magic lusis? Ano nga ba ang sikretong matutuklasan ni JP (Iñigo) na magda­dala ng malaking pagbabago sa buhay ni Joy?

Tampok din sa Wansapanataym Presents Wish Upon A Lusis sina Perla Bautista, Bobby Andrews, Miguel Vergara, Eunice Lagusad, Kazumi Porquez, Daisy Reyes, at Ana Roces. Ito ay sa ilalim ng panulat ni Joel Mercado at direksyon nina Manny Palo at Rahyan Carlos. Ang original story book ng batang Pinoy na Wansapanataym  ay sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment Television.

Huwag palampasin ang huling linggo ng Wansapanataym  special nina Julia at Iñigo ngayong Linggo, sa ganap na alas-6:45 ng gabi pagkatapos ng Goin’ Bulilit sa ABS-CBN.

Sa hirap at ginhawa sa Wish Ko Lang

Ngayong Sabado, hatid ng Wish Ko Lang! ang isang nakakaantig na kuwento noong panahon ng Martial Law tampok sina Carlos Agassi, Valerie Concepcion, at Efren Reyes.

May mga naulila, may mga nawalan, at mayroon din na magpasahanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng hustisya… Ito ang na­ging kapalaran ng ilang pamilya sa ilalim ng batas militar.

Isa sa kanila si Anna na nakapangasawa ng ma­prinsipyo, may paninindigan at makatao. Pero nang dahil din sa mga katangiang ito, nadakip ng mga sun­dalo ang kanyang mister. Hudyat na iyon ng pag­babago sa kanilang buhay mag-iina.

Dahil palasak na ang balita sa mga pinapahirapang nadadakip noon na kontra sa gobyerno, todo ang takot at pag-alala na nadama ni Anna sa maa­ring sapitin ni Bert sa kamay ng mga sadistang sundalo. Humantong pa na lihim na inilipat siya ng piitan para hindi na mabisita ng kanyang asawa at anak.

Kaya ang muling makalaya at mabuo silang mag-anak ay hanggang pangarap na lang para kay Anna. Ano nga ba ang laban nila noon kung walang bisa ang karapatang pantao?

Tunghayan ang kuwentong ito kasama si Vicky Morales ngayong Sabado sa Wish Ko Lang! 3:15 p.m. sa GMA-7.

Show comments