MANILA, Philippines – Maganda ang pasok ng taong 2015 para sa ABS-CBN matapos itong pumalo ngayong buwan ng Enero sa average national audience share na 42%, o anim na puntos ang lamang kumpara sa 36% ng GMA, ayon sa datos ng Kantar Media.
Tuloy din ang pamamayagpag nila sa Balance Luzon (mga lugar sa Luzon na nasa labas ng Mega Manila) kung saan humataw ito sa average total day audience share na 45%, sa Visayas na may 56%, at sa Mindanao na mayroong 48%.
Nakopo pa rin nila ang 6PM-12MN block sa average audience share nito na 47%. Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock dahil sa mga oras na ito may pinakamaraming nanonood.
Nananatiling malakas ang Primetime Bidang Dream Dad (25.8%), Forevermore (24%), at Two Wives (18.9%).
Panalo rin ang coverage nila sa pagbisita ng Santo Papa noong Enero 15-19 na pinamagatang Thank You sa Malasakit: Pope Francis sa Pilipinas. Nagtala ito ng average national TV rating na 13.2%.
Tinutukan din ng TV viewers ang live coverage ng Kapamilya network ng ika-63 Miss Universe beauty pageant noong Enero 26 (Lunes) na umabot ng national TV rating na 16.8%.
Samantala, mainit namang tinanggap ng mga manonood ang pinakabagong feel-good daytime TV program na Oh My G na nakakuha ng average national TV rating na 14.4%.
Kabilang din sa top ten programa sa Pilipinas noong Enero ang Maalala Mo Kaya (25.5%), TV Patrol (23.7%), Rated K (22.2%), Home Sweetie Home (21.9%), Wansapanataym (21.8%), The Voice of the Philippines (20.7%), at Mga Kwento Ni Marc Logan (18.9%).