PIK: Nakipag-team up sa Eat Bulaga ang PLDT KaAsenso para maiparating sa mga tao ang ini-launch nilang all-in-one Internet café na Cyberya.
Sa segment nilang Juan for All, All for Juan ay namimigay sila ng isang unit ng Cyberya sa mga residente sa lugar na pinupuntahan nila.
Saad ni Mr . Gary Dujali, ang Vice President and Head of Home Marketing ng PLDT, “Malaking bagay ang naitulong ng Eat Bulaga para maiparating sa lahat ang pagkakataong makapagsimula ng kanilang negosyo sa magaang paraan.”
PAK: Sinalo na ni AiAi delas Alas ang problema sa produksyon ng nalalapit niyang Valentine concert na Ai Heart Papa na isa dapat sa mga special guests niya ay si Richard Yap.
Hindi natuloy si Richard dahil may iba na siyang natanggap na commitment. Hindi pa rin daw kasi sila nakapagbigay ng down payment kay Richard, kaya may tinanggap na itong iba.
Makakasama na ni AiAi sa concert sina JC de Vera, Aljur Abrenica at Paulo Avelino.
Nakipag-co-produce na si AiAi para maayos ang problema. Gusto naman daw ni AiAi na makatulong sa producer para makabalik ito sa pagpu-produce.
Sa February 12 na ang Valentine concert ni AiAi na gaganapin sa The Theater Solaire.
BOOM: “Sleep and be silent” ang sagot ni AiAi nang hiningan namin ng opinyon kung ano ang nararapat na gawin ni Kris Aquino sa patuloy na tuligsang ibinabato sa kanyang kuya P-Noy na ipinaparating sa kanyang Instagram account.
Napag-usapan kamakalawa lang na tinawagan daw ni Kris si Jomari Yllana at parang sinumbatan dahil sa ipinost ng aktor kung saan tinawag niya itong “pinakatangang presidente”.
Hindi pa namin ito nakukumpirma sa dalawang taong involved. Ayaw itong sagutin ni Jomari at pinili muna niyang manahimik.
Pero sabi ni AiAi, sa ganyang sitwasyon, mas mabuting manahimik daw muna at mag-isip isip. “Mas mabuting mag-reality check ka ‘di ba? Manahimik ka muna, magdasal. Kasi masyado kang emotional eh. Madalas hindi ka nakakapagsabi ng tama kapag emotional ka,” pahayag pa ni AiAi.