Done deal!

Done deal na ang boxing fight nina Congressman Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.

Nakatulong ang pagkikita ng dalawa sa NBA game para mapabilis ang negosasyon tungkol sa kanilang laban na matagal nang hinihintay ng boxing fans.

Ang petsa at venue  na lang ng paghaharap nina Papa Manny at Miss Mayweather ang pinaplantsa ng magkabilang kampo.

Ayaw magbigay ni Papa Manny ng detalye tungkol sa nalalapit na laban nila ni Miss Mayweather pero kinumpirma ng isang American entertainment website na tuloy na tuloy na ang kanilang mega boxing fight.

Mga news program, binabantayan ang ‘kikitain’ ng 44 Fallen heroes

Nakakaloka ang mga news program. Hindi pa nga naililibing ang mga pulis na pinatay sa Maguindanao, ibinabalita na ng mga news program ang halaga ng benepisyo na matatanggap ng mga biktima.

Ibinabalita ng mga news program na naging insensitive si P-Noy dahil sa no-show nito sa arrival honors noong Huwebes sa Villamor Airbase pero hindi sila naiiba.

Pinaglalamayan pa ang mga labi ng mga nasawi at nagluluksa pa ang kanilang mga pamilya. Hindi ba puwedeng hintayin muna na mailibing ang mga biktima bago kalkalin ang halaga ng mga benepisyo na ibibigay sa kanilang  mga naulila?

Kahit milyon-milyong piso ang ibigay sa pamilya ng mga pinaslang, walang katumbas na pera ang kanilang mga buhay.

At dahil mainit na mainit ang balita tungkol sa Fallen 44, may mga nagmumungkahi na isalin sa pelikula ang kuwento ng mga buhay nila.

Hindi nakakagulat kung may indie movie producer na makaisip na gumawa ng pelikula tungkol sa Mamasapano massacre  lalupa’t makukulay at inspirational ang life story ng ilan sa mga pinatay na pulis.

Pero nakasalalay ang project sa magiging desisyon ng naulilang pamilya ng Fallen 44. Papayag ba sila na isapelikula ang buhay ng kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay na nanahimik na?

Mga pribadong tao ang mga pinaslang na pulis. Ni wala nga silang mga social media account dahil nabigo ang kanilang mga tagahanga na hanapin sila sa Facebook.

Ryzza Mae nakakatakot nang gayahin si Elsa

Hindi ko agad nakilala si Ryzza Mae Dizon dahil sa kanyang Elsa impersonation nang umapir siya kahapon sa Eat Bulaga.

Ginaya ni Ryzza Mae si Elsa ng Frozen at tawang-tawa sa kanya si Vic Sotto dahil mas kamukha raw niya si Chucky, ang manika na kinatatakutan ng mga bata.

Malakas ang suspetsa ko may kinalaman si Paolo Ballesteros sa make up transformation  ni Ryzza Mae dahil pareho  ang mukha nila nang gayahin niya (Paolo) si Elsa.

Show comments