Dinedma si P-Noy ng ilang kaanak ng mga pulis na pinatay sa Mamapasano, Maguindanao at kitang-kita sa TV ang pang-iisnab sa kanya habang ibinibigay niya ang mga plake at medalya ng kagitingan.
Hindi natin masisisi ang mga pamilya na naulila, lalo na ang babae na nawalan ng ama ang sanggol na ipinagbubuntis.
Hindi sila matatahimik hanggang hindi nila nalalaman ang dapat na managot sa brutal na pagpatay sa kanilang mga mahal sa buhay.
I’m sure, hindi minasama ni P-Noy ang pangdededma na ginawa sa kanya dahil naiintindihan niya ang sakit na nararamdaman ng pamilya ng mga biktima.
Malungkot ako kahapon dahil nasa isip ko ang mga pulis na nagbuwis ng buhay para sa bayan.
Napakababata pa nila para mamatay at marami pa sila na mga pangarap na hindi pa natutupad.
Pero hindi naman natutulog ang Diyos. Alam niya kung sino ang dapat managot sa naganap na massacre. Wish ko lang, huwag makatulog nang mahimbing ang mga may kasalanan.
Dahil sa sobrang lungkot ko kahapon, maaga akong nagpunta sa presscon ng Puregold Perks Card.
Si Chuck Gomez ang nag-invite sa akin para sa presscon ng bagong endorsement ni Luis Manzano.
Nagbunga naman ng maganda ang early arrival ko sa Puregold presscon dahil nag-win ako ng early bird prize.
Very fruitful ang pagpunta ko sa grand launch ng Puregold Perks Card dahil sa freebies na ipinamigay ni Chuck at sa Puregold gift certificates na napanalunan ko.
Higit sa lahat, magkakaroon ako ng Puregold Perks Card, courtesy of Puregold.
Luis ipinakita ang pagiging makabayan
Na-feel ko ang pagiging makabayan ni Luis Manzano dahil nag-request siya na ipagdasal ang 44 fallen heroes ng SAF bago nagsimula ang presscon.
Ipinakita ni Luis ang pagiging responsible citizen at ang malasakit niya sa kapwa.
Matagal nang tsismis na may plano si Luis na kumandidato bilang alkalde ng Lipa City pero walang kumpirmasyon.
Ikinuwento ni Luis sa presscon ng Puregold Perks Card na mag-uusap pa sila ng kanyang stepfather, si Senator Ralph Recto.
Nabanggit din ni Luis na napag-uusapan na nila ni Angel Locsin ang ilang detalye tungkol sa kanilang pagpapakasal tulad ng mga damit na isusuot ng mga abay nila.
Para magkuwento si Luis, mukhang may plano sila ni Angel na lumagay sa tahimik.
Kunasabagay, nasa legal age na sila para bumuo ng pamilya. Thirty-three years old na si Luis at turning 30-years old si Angel sa April 2015.
Speech ni P-Noy salat daw sa sincerity
Ang speech ni P-Noy sa necrological service kahapon sa Camp Bagong Diwa ang topic sa presscon ng Puregold Perks Card.
Nagkakaisa ng paniniwala ang entertainment press na salat sa sincerity ang mga sinabi ni P-Noy.
Napag-usapan din ang pagpunta ni Kris Aquino sa Camp Bagong Diwa at ang pakikiramay niya sa naiwanang pamilya ng mga biktima.
Ang sabi ng mga tao, huli na ang pakikiramay ni Kris dahil mas mahalaga na nagpakita noong Huwebes sa Villamor Airbase ang kanyang kapatid. Wala sanang isyu na malaki kung sumalubong si P-Noy sa pagdating ng mga bangkay ng mga pulis. Kung nakakatikim siya ngayon ng mga batikos, siya rin ang may kagagawan dahil inuna pa niya na puntahan ang inauguration ng isang planta ng mga sasakyan.
Galit ang umiiral sa puso ng lahat ng mga Pilipino dahil wala pang umaamin sa mga dapat managot sa hindi makatao na pagpatay sa PNP-SAF. Ang tanong, may aamin ba?