Ikatutuwa ni Max Collins na isa na siya sa favorite ng press people dahil hindi lang siya maganda, mabait pa, at magiliw. Nag-i-effort ang aktres na alamin ang pangalan ng mga reporter na nakikilala sa showbiz, kaya first name basis siya kung mambati at hindi lang ang generic na “tita” at tito.”
Sa nakaraang presscon ng Kailan Ba Tama ang Mali, ang pagiging mabait sa press ang isa sa mga nasulat kay Max. Sabi ng isang reporter, kahit malayo sa kanya ang aktres, tumayo ito para batiin.
Kami nama’y busy sa cell phone at nagulat na lang nang may tumawag sa pangalan namin at kasunod ang beso.
Maayos nitong sinasagot ang mga tanong kahit ang paulit-ulit na tanong sa kanila ni Pancho Magno. Curious lang kami, ano kaya ang feeling ni Pancho na itinanggi na naman siya ni Max? Hindi na rin daw “exclusively dating” ang status nila.
Anyway, first time ni Max gagawin ang maaalab na kissing scene kina Geoff Eigenmann at Dion Ignacio. Challenge sa kanya ang love scenes na hindi pa nakukunan ni direk Gil Tejada. Dumaan sila sa inhibition workshop bilang paghahanda at para hindi sila mailang ‘pag kinunan na ang love scenes.
Kasama sa cast si Empress Schuck na nakasama na ni Max sa Rosalka noong pareho pa silang nasa ABS-CBN. That time, si Empress ang bida at siya ang kontrabida, dito sa Kailan Ba Tama ang Mali, siya na ang bida at si Empress ang kontrabida. Sa February 9 ang pilot ng love square relationship daw.
Derek back to action
Nag-tweet si Derek Ramsay na nagsimula na siyang mag-shooting ng new movie kahapon and he’s back to action. Ito na yata ang sinasabing action movie na gagawin niya sa CineBro Productions ng Star Cinema.
Hindi detalyado ang balita ng actor dahil hindi sinabi kung sino ang director, ano ang title at sino ang mga kasama niya sa nasabing pelikula.
Anyway, nauna nang gawin ni Derek ang pelikula sa CineBro dahil ‘yung movie nila ni Kris Aquino ay sa May pa ang shooting. The last time na nakausap namin si Atty. Joji Alonso, hindi pa siya sure kung Chemistry na nga ang title ng movie dahil hindi pa isinusulat ni director Chris Martinez ang script. Ang director din ang scriptwriter ng movie at kasama si Eugene Domingo sa cast.
Eula atat nang awayin si Jean!
May reunion sina Jean Garcia at Eula Valdez dahil papasok si Eula sa The Half Sisters na top-rating Afternoon Prime soap ng GMA-7. Gagampanan ni Eula ang role ni Isabela Zuñiga.
Si Isabela ang tutulong kay Jomari Yllana na nagka-amnesia, magkaka-inlaban sila na hindi papayagan ni Jean. Kailangan lang pantayan nina Jean at Eula ang mga ginawa nila sa Pangako sa ‘Yo ng ABS-CBN bilang sina Madam Claudia Buenavista at Amor Powers para ma-hook ang viewers.
Excited si Eula na makatrabaho uli si Jean, ang buong cast pati na rin kay Direk Mark Reyes na una niyang naging director sa unang show na ginawa niya sa Ch. 7. Nagbiro ito na buo na uli ang love team nila ni Jean.
Jennylyn at Zsa Zsa makikipag-agawan din ng mga manonood sa Valentine
Malalaking Valentine’s Day concert ang makakatapat ng Ultimate nina Martin Nievera, Regine Velasquez, Gary Valenciano, at Lani Misalucha sa February 13 at 14 sa SM MOA Arena. Mamimili na lang ang tao kung kaninong concert ang panonoorin nila.
Sa Feb. 13, ang concert ni Jennylyn Mercado sa SM North Edsa Skydome na Oo Na, Ako na ang Mag-isa, Samahan N’yo Naman Ako na katapat ng apat. Guests ni Jennylyn sina Dennis Trillo, Derek Ramsay, Kean Cipriano, Mark Herras, at Gloc 9. Hindi nabanggit si Patrick Garcia, ibig sabihin, hindi tuloy ang guesting nito.
Sa Feb. 14 ang concert ni Zsa Zsa Padilla na Beginnings sa Music Museum. Guests ni Zsa Zsa sina Ogie Alcasid at Piolo Pascual. Tiyak na mas sasaya ang concert ni Zsa Zsa dahil kay Ogie na tiyak papasukan niya ng comedy ang kanyang spiel.