Kung noong araw ay sa tsiks nagpakadalubhasa ang ama ni Daniel Padilla na si Rommel Padilla, ‘yun ang pinakaiiwasan niyang mangyari sa kanyang anak lalo’t isa na itong sikat na artista. Pero hindi sa kung kani-kanino lang na babae pinaiiwas ng ama ang kanyang anak. Panay din ang pangaral nito kay Daniel na unahin muna ang kanyang career bago ang relasyon nila ng kapareha niya’t ka-loveteam na si Kathryn Bernardo. Hindi kasi maiiwasan na maging close ang dalawa. Ipinamamahala na lamang niya ang pagsubaybay sa dalawa kay Karla Estrada para hindi malihis sa dapat nilang patunguhan.
Kinausap niya ang anak ng lalaki sa lalaki dahil hindi niya ito masusubaybayan. Sinabi niya kay Daniel na huwag pabayaan ang career at iwasan muna ang love life. Tinanggap naman ito ng batang aktor at nangakong hindi sila makakalimot ni Kathryn sa mga pangaral ng kanilang mga magulang.
Kuya Germs mas bumata ang hitsura dahil sa pagpayat
Nakakatuwang malaman na on the way to recovery na si Kuya Germs. Nakauwi na ito ng bahay at doon na lamang ipagpapatuloy ang kanyang therapy. Nakakatanggap na rin ng bisita ang Master Showman, pero ipinakikiusap ng pamilya na huwag muna itong pagurin sa pagkukuwento ng mga bagay na may kinalaman sa showbiz dahil nagbibigay ito ng kakaibang excitement sa TV host. Eh bawal pang mapagod at ma-exite si Kuya Germs.
Higit na bumata ngayon ang TV host dahil medyo pumayat ito at panay ang kain ng prutas. Nakatulong din sa kanya ang lubos na pamamahinga na hindi niya magawa dati dahil sa rami ng trabaho. Kung kilala ninyo si Kuya Germs, hindi siya basta-basta tumatanggi sa mga nag-iimbita sa kanya. Kung maaring puntahan niyang lahat ay gagawin niya ito. Kaya nagtataka ang mga sumasama sa kanya kung paano nito kinakaya ang mga pinupuntahan nang hindi napapagod.
Inaasahan din ng TV host na mababalikan na niya ang pagsusulat ng column dito sa Pilipino Star NGAYON (PSN) na pansamantala niyang iniwan nung siya ay ma-stroke.
Rey, Hajji, Rico at Marco babanggain sina Martin, Gary, Regine at Lani
Mukhang umaagaw ng malaking atensyon sa Valentine concert nina Martin Nievera, Gary Valenciano, Regine Velasquez at Lani Misalucha ang isa pang concert sa Araw ng mga Puso nina Rey Valera, Hajji Alejandro, Rico Puno at Marco Sison. Maraming manonood sa panahong ito ang gustong makarinig ng magagandang musika at gusto ring maaliw sa kakuwelahan ng apat na beteranong singer. Ito lamang kantahan nila ay masusulit na ang ibabayad sa An Evening with the OPM Legends na magaganap sa February 12 sa Palacio del Maynila sa Malate, Manila.
Pelikula ni Zsa Zsa mapapanood sa Colombia at Hawaii
Ang pelikula ni Zsa Zsa Padilla na M (Mother’s Maiden Name) na kasali sa New Wave Category ng nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) ay nabigyan ng grade “A” ng Cinema Evaluation Board (CEB). Ang movie ay tungkol sa isang ina ay may malubhang sakit na cancer. Ipapakita sa pelikula ang kaibahan ng pagpapagamot ng mga taong may pera at wala. Waging Best Actress dito si Zsa Zsa at mapapanood ito sa Bogota International Film Festival at Hawaii International Film Festival.
Gerald at Julia inabot ng isang araw ang ‘laplapan’!
Imposibleng hindi mo mapaganda ang isang eksena ng pelikula kung kinunan ito ng isang buong araw kesehodang mapagod ang mga artista, basta’t magawa nila ito nang buong ningning.
Ganito ang nangyari kina Gerald Anderson at Julia Montes na inabot ng isang araw para lamang magawa ang kanilang napakainit na lovescene sa Halik sa Hangin na nakatakdang mapanood ngayong araw. Dahil sa professionalism na ipinamalas ni Julia, hindi malayong mangyari na makakuha siya ng award.