MANILA, Philippines - Pumirma kamakailan ang teen star na si Julian Trono ng kontrata sa ilalim ng JU Entertainment and Music Contents, Inc., isang Philippine company na may Korean counterpart sa pakikipagtulungan ng GMA Records. Ginanap ang nasabing contract signing sa GMA Network Center.
Si Julian ang maituturing na pinakaunang Pinoy celebrity na sasailalim sa training ng Korean Pop (K-Pop) System. Pagdadaanan niya ang intense training schedule na may voice at dance lessons na pangungunahan ng mga batikang Korean instructors.
Kilala bilang isang choreographer at mahusay na mananayaw si Julian, pero ngayon, susubukan niyang mas palawakin pa ang kanyang kakayahan bilang artista dahil malapit na niyang ilabas ang kanyang kauna-unahang single. Ang nasabing proyekto ay isang magandang kolaborasyon sa pagitan ng Korea at Pilipinas.
Tapos na ang recording ng kanyang first single at patuloy pa rin ang shooting ng kanyang music video. Makakasama niya sa nasabing proyekto ang isang sikat na Korean rapper na bibisita sa Pilipinas.
Malaki ang pasasalamat ni Julian sa pagkakataong ito, dahil kahit hindi siya pamilyar sa K-Pop noong una, nagawa niyang matutunan at mahalin ang mga mahahalagang bagay tungkol dito.
“Talagang whole new world siya sakin, so I did research kasi siyempre kailangan akong makarelate sa kung anong culture nila dun,” pahayag ni Julian.
Ngayon, bukod sa natutunan na niya ang iba’t ibang K-Pop techniques at styles, inamin ni Julian na napamahal at nahihilig na rin siya rito.
“I’m more than familiar with it now and I can say na iba yung quality at efforts na binibigay nila sa mga proyektong ginagawa nila kaya naiintindihan ko na why a lot of Pinoy fans are into K-Pop. Na-enjoy ko na rin siya talaga,” dagdag pa ni Julian.