‘Pambubugaw’ ni Matteo ng kanyang bestfriend kay Vice kinabubuwisitan!

Para namang hindi maganda ‘yung ginawang pambubuyo ni Matteo Guidicelli sa kanyang kaibigan na isa ring car racer na si Marlon Stockinger kay Vice Ganda sa palabas ng huli sa Gandang Gabi Vice nung Linggo. Porke ba sinabi ni Vice Ganda na crush nito ang friend niya ay ima-match na niya sila? Eh sinabi nga ni Marlon na may girlfriend na ito na pinsan pa ni Matteo.

Hindi ako sang-ayon sa pambubuyo ni Matteo sa dalawa. It left a bad taste in my mouth.

Martin at Nora, laging binabarat ang talent fee!

Ginagawa namang kawawa ng marami ang pagpapababa ng presyo, una ni Nora Aunor at pag­katapos ni Martin Nievera. Hindi kasi raw natuloy ang Superstar sa paggi-guest sa Maalaala Mo Kaya dahil lubha raw napakaliit ng TF na tatanggapin ng Superstar para sa kanyang guesting, P300,000 nga lang ba para sa two-day taping?

Si Martin Nievera  ay umaming nagbaba talaga ng TF dahil sa pagsunod sa takbo ng panahon. Marami na raw kabataan ang puwedeng gumanap ng trabaho niya, kaya para makalaban ay nagbaba na siya ng presyo at umaamin pang pati ang pagkanta sa mga burol ay tinatanggap na rin nito.

Sa halip na laitin ang dalawa sa pinakamata­tagumpay nating singer at artista, dapat nga ay papurihan pa natin sila dahil sa matagal nilang pama­mayani sa kanilang propesyon. Kung tutuusin ay naging pride pa nga sila ng showbiz industry.

Barbie ‘nagbayad’ kay Francis

Tinupad naman ni Barbie Forteza ang pa­ngako niyang dadalo sa premiere night ng indie film niyang #Ewankosau Saranghaeyo (I love you). Kaya tuwang-tuwan at hindi na-zero ang Kapamilya leading man niya na si Francis Mangundayao na iniwan niyang mag-isa nung pa-presscon ng movie nila. Hindi nakarating ang Kapuso artist dahil nakasabay ang presscon sa kanyang meeting with her fans na matagal nang naka-schedule.

Okay naman pala sila ni Francis at graduate na sa pagkakailangan. Na-overcome na ni Francis ang pagiging intimidated kay Barbie dahil itinuturing niya itong isa nang malaking artista. Sa shooting ay nagkalapit sila nang lubos. Madalas bigyan ni Francis ng dark chocolates si Barbie bilang pagpapakita ng kanyang appreciation.

Samantala, grateful si Barbie sa mga tao behind their successful series The Half Sisters. Bagong makakasama sa serye si Eula Valdez. Siya ang babaeng nakapulot kay Jomari Yllana nang su­mabog ang yate na sinasakyan nito kasama ang kanyang mag-ina (Jean Garcia at Barbie). Nawalan ng alaala si Jomari at aampunin siya ni Eula at mai-in love sila sa isa’t isa. Mayaman ang character ni Eula, gagawin niya ang lahat para maipaglaban ang cha­racter ni Jomari sa character ni Jean. Si Barbie ang gumaganap ng title role bilang kakambal ni Thea Tolentino.

Bagong imahe ni Hesukristo pinaiksi ang telang gamit?!

Sa aking panonood ng mga events ni Pope Francis during his several days stay in the country, I felt I got closer to God. Naging iyakin ako at palagi ko na lamang nararamdaman na umiiyak ako kapag nakikita ko siya at naririnig ang mga sinasabi niya. I regret not having gone personally to hear his masses. I missed my mother who used to be with me sa mga nakaraang pagbisita rito ng dalawang Papa, sina Pope Paul VI at John Paul II. Kung buhay ang aking ina, hindi siya papayag na ‘di kami makipagsiksikan para makita lamang siya.

Natulog nga kami sa QC Memorial Circle para kay Pope Paul VI at sa harapan ng Manila Hotel sa Rizal Park para naman kay Pope John Paul II. May nakita lamang ako habang nanonood ng TV na hindi ko pinapaboran. ‘Yung bagong imahe ni Hesukristo. Bakit naman nila Siya ginawang napaka-seksi? Napakakitid ng telang nakatakip sa Kanya at nakabilad pa ang isa Niyang hita? Call me old fashioned, pero hindi ako kumporme sa bagong imahe na ‘yun ni Jesus on the Cross.

 

Show comments