Pelikula ng INC na Sugo tuloy na, si Dennis Trillo na ang bida; Dennis Padilla umiwas ma-interview, sa korte na lang gustong magsalita

PIK: Nagsimula na palang mag-shoot ang malaking pelikula ng Iglesia ni Cristo na Sugo na ni-line produce ng Viva Films.

Si Joel Lamangan ang nagdidirek at ang bida na ngayon ay si Dennis Trillo. Hindi pa namin sure kung sina Albert Martinez at Gabby Concepcion ang gaganap na mga Manalo.

Nagsimula nang mag-shoot noon na dinirek pa ni Tikoy Aguiluz, pero mukhang natapon na ang mga eksenang iyon dahil si direk Joel na ngayon ang magdidirek. Kaya nagtataka ang ibang artistang nakapag-shoot na noon, kinukuha sila uli para sa ganoon pa ring pelikula, pero ibang role na ang gagampanan nila.

PAK: Matutuloy kaya ang paglipat ng kilalang aktres sa malaking TV network na katapat ng mother studio niya.

Binanggit niya nung mga nakaraang interview niya na hindi na raw siya pipirma ng renewal. Naniniwala kaming ang ilan sa mga dahilan ay ang tampo nito sa ilang nakatrabaho. Mukhang naayos naman pero tila malabo nang mabalik ang dating magandang samahan. Kaya mas minabuti ni kilalang aktres na huwag na lang makatrabaho siya uli.

Ang latest na narinig namin, nakikipag-usap na raw si aktres sa ilang executives ng katapat na TV network. Parang type daw ni kilalang aktres na mag-host sa isang malaking TV show na pinasikat nitong TV network. Kapag matutuloy ito, magiging masaya ang mga staff ng naturang TV network dahil karamihan ay bestfriends ni kilalang aktres.

BOOM: Umatras si Dennis Padilla sa guesting niya sa Mars kahapon kaya hindi natuloy ang pag-ambush interview sana namin sa kanya.

Umiwas na lang daw si Dennis na matanong pa ang tungkol sa isyu nila ng kanyang anak na si Julia Barretto.

Ayaw kasi niyang magkomento tungkol sa isnaban isyu nila ni Julia dahil sa gag order mula sa korte na humahawak ng kaso nilang mag-ama.

Sisimulan na kasi sa susunod na buwan ang hearing sa kasong ito, kung saan na-grant ang motion na isinumite ni Dennis na kunin ang kanyang panig sa change of name na hiningi ni Julia sa korte.

Dapat ay desisyunan na ang naturang kaso, pero naantala dahil sa motion na isinumite ni Dennis.

Kaya maingat sa ngayon ang aktor dahil mas gusto niyang sa korte na lang ito pag-usapan kesa sa media.

Tahimik din si Julia, pero nag-post ito sa kanyang social media account na nagpapasalamat sa mga suporta ng mga fans at hindi raw siya agad hinusgahan sa insidenteng iyun.

Bahagi ng kanyang statement: “Thank you for not being so quick to judge and for waiting for the whole truth before speaking too soon.”

Show comments