MANILA, Philippines - Iniwan muna ni Regine Velasquez-Alcasid pansamantala ang mag-ama niyang sina Ogie at baby Nate para makisaya sa annual Ati-Atihan Festival celebration ng mga Aklanon sa Kalibo noong Enero 13.
Sa unang pagsabak na ito ng Asia’s Songbird sa regional shows ng Kapuso Network ngayong taon, jam-packed attendance kaagad ang bumungad sa kanya. Tila nasabik nang husto ang die-hard Regine fans na makita at maka-jam ang kanilang idolo sa Kapuso Night na ginanap sa Kalibo Pastrana Park! Base sa tala ng Municipality of Kalibo at ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Foundation, Inc., humigit-kumulang 10,000 katao ang naki-party sa event.
‘Di rin naman nakapagtataka dahil bonggang production number ang hinandog ni Regine sa mga manonood. Ilan sa mga awiting kinanta niya ang Ako’y Iyong-iyo, Tuwing Umuulan, Dadalhin, Hulog ng Langit, On the Wings of Love, at isang medley ng pop hits of the 70’s.
Nakasama rin ni Regine sa nasabing Kapuso Night sina Miguel Tanfelix, Bianca Umali, at Betong Sumaya mula sa primetime series na Once Upon a Kiss. Nagsilbing host naman ng gabing iyon ang Asia’s Songbird impersonator na si Ate Redg.
Samantala, isang linggo matapos ang Ati-Atihan, naki-“Pit Senyor!” naman si Regine sa Sinulog Festival sa Cebu noong Biyernes, Enero 16. Pinagbidahan niya ang isang Kapuso Mall Show sa Ayala Terraces kasama sina Kristoffer Martin, Joyce Ching, at Angelika de la Cruz mula sa upcoming drama series na Healing Hearts.