Overwhelming ang aming naging personal experience nang kami ay magtungo ng Tacloban City para dumalo sa Papal mass na ginanap sa open grounds ng DZR Domestic Airport nung umaga ng Sabado, January 17.
Isang araw bago ang Papal mass sa Tacloban ay lumipad na kami patungong Tacloban at nakitira kami sa bahay ng aming kamag-anak, ang Anaheim-based concert producer na si Tito Al Chu na one-hour walk away sa airport na pinagdausan ng misa.
Pagkalapag namin ng DZR Domestic Airport ay nakasalubong na namin ang dagsa ng mga tao na tuluy-tuloy na nagsidatingan para mag-vigil at hintayin ang misa kinabukasan ng umaga.
Alas-5:45 ng umaga ay nagsimula na kaming malakad patungong airport grounds para sa Papal mass. Ang aming pagkakamali, wala kaming dalang kapote o anumang panangga ng ulan at nagtiyaga kaming gumamit ng garbage plastic para pantakip sa aming ulo habang ang ibang bahagi ng aming katawan ay basang-basa. Pero hindi namin alintana ang ginaw ganoon din ng libu-libong naroon para tunghayan ang isang mahimalang misa ng Mahal na Santo Papa.
Hindi pa man dumarating ang eroplanong kinalululanan ni Pope Francis ay nagkaroon ng agam-agam na hindi siya makarating dahil sa bagyong Amang na unti-unting lumalakas. At that time ay signal no. 2 na ang Tacloban. Malakas ang hangin at walang tigil ang pag-ulan pero hindi ito nakaapekto sa excitement ng mga tao na matunghayan ang Mahal na Santo Papa sa unang pagkakataon.
Nang makita sa himpapawid ang eroplano kung saan nakasakay si Pope Francis, nabuhayan ang mga tao at sabay-sabay na nagsigawan sa sobrang tuwa. At kahit sa gitna ng nagsusungit na panahon ay hindi nagpapigil ang Santo Papa sa kanyang pangako sa mga Taclobanons na naging biktima ng matinding bagyong kumitil ng libu-libong tao.
Nang finally umakyat sa entablado si Pope Francis matapos itong mag-ikot sa iba’t ibang quadrants, kakaibang high ang naramdaman ng mga tao. Hindi pa rin sila makapaniwala na nakikita nila sa kanilang harapan ang Santo Papa na nakasuot ng dilaw na kapote na siya ring suot ng karamihan.
Nakita ng Santo Papa na hindi natinag ang mga tao kahit basang-basa at tumitindi ang malakas na hangin at ulan sanhi ng bagyo. Ginawa niya ang kanyang homily sa salitang Español dahil ayaw niya ng scripted homily, pero may katabi siyang mahusay na paring interpreter na isinasalin sa wikang Ingles ang kanyang mga sinasabi.
Mula sa puso ang mensahe ni Pope Francis at humingi pa siya ng paumanhin sa mga Taclobanon na 14 na buwan ang kanyang pinalipas bago siya nakarating ng Tacloban.
Binigyan ng emphasis ni Pope Francis sa kanyang homily ang mga mahihirap at mga biktima ng bagyong Yolanda na kung tutuusin ay siyang sentro ng kanyang pagbisita sa Pilipinas.
Pagkatapos ng mahigit isang oras na misa, muling umikot sa mga basang-basang tao bago tumuloy ang pope mobile sa Palo, Leyte kung saan na cut short ang kanyang pananatili sa nasabing lugar dahil sa bagyo. Dapat sana’y alas-5 pa ng hapon ang alis ng Santo Papa sa Tacloban pero napaaga ito ng apat na oras dahil sa advise ng piloto ng eroplanong kanyang sinakyan. Nabigla man ang mga taga-Palo, Leyte, masaya na rin sila dahil nakarating pa rin ang Mahal na Santo Papa sa kanilang lugar kahit sandali lamang itong nanatili sa Palo Cathedral.
Hindi man namin nalapitan ang Santo Papa, kakaibang experience naman ang aming naramdaman at nasaksihan na hinding-hindi namin makakalimutan habang-buhay.