Tarayan nina Barbie at Thea mas pinanonood

MANILA, Philippines - Patuloy na tinututukan ng mga Pilipino ang drama series na The Half Sisters na siyang nangunguna sa nationwide TV ratings sa Afternoon Prime block ng Kapuso Network, ayon sa datos ng mas kinikilalang ­ratings service provider na Nielsen TV Audience Measurement.

Mula nang magsimulang umere ang programa noong Hunyo 9, 2014, hindi pumalya ang The Half Sisters na pataubin ang mga kalaban nitong programa sa ABS-CBN hindi lang sa Urban Luzon at Mega Manila pati na rin sa National Urban Philippines. Sa katunayan, ito ang numero unong daytime drama show sa kasalukuyan.  

Ayon sa  datos sa buwan ng Disyembre  (Disyembre 1-31, 2014 official data; Disyembre 29-31 overnight data), nakapagtala ang The Half Sisters ng rating na 17.8 percent, 5.9 points at 7.3 points na mas mataas kumpara sa 11.9 percent ng It’s Showtime at 10.5 percent ng Kapamilya Blockbusters ng ABS-CBN.  

Sa Urban Luzon, na binubuo ng 77% ng national urban television households, hindi makakaila ang pagkapanalo ng The Half Sisters laban sa counterpart programs nito sa ABS-CBN. Nakakuha ng rating na 20.4 percent ang programa, o 9.6-point difference kumpara sa 10.8 percent ng It’s Showtime, at 11.3-point gap laban sa 9.1 percent ng Kapamilya Blockbusters. 

Sa Mega Manila, isang mahalagang area para sa mga advertiser dahil binubuo nito ang 60% ng total urban television households nationwide, malinaw na malinaw ang panalo ng The Half Sisters sa pagtatala ng rating na 20.9 percent, higit 10.8 puntos ang lamang kumpara sa 10.1 percent ng It’s Showtime, at 12.9 points na mas mataas kumpara sa 8 percent ng Kapamilya Blockbusters.   

Tiyak na matutuwa ang mga tagasubaybay ng The Half Sisters dahil mapapanood ang programa hanggang Marso ngayong taon.

Sa ilalim ng direksyon ni Mark Reyes, patok na patok sa mga manonood ang pagganap nina Barbie Forteza, at Thea Tolentino, Derrick Mo­nasterio at Andre Paras at Gloria Romero, Jean Garcia, Jomari Yllana na nagbabalik ang karakter sa serye, Mel Martinez, at Ryan Eigenmann. 

Mas lalong dapat abangan ang mga susunod na eksena sa serye dahil malalaman na sa wakas ni Alfred (Ryan Eigenmann) na buhay si Rina (Jean Garcia) dahil ibubunyag ni Alexa na siya ang asawang inaakalang patay na ng lahat. Magpapakita rin si Elizabeth (Gloria Romero) at ipapaalala kay Alfred ang panloloko nito sa kanyang apong si Abigail. Ano ang magiging reaksyon ni Diana (Thea Tolentino) kapag nalaman niya na buhay ang kanyang ina na si Rina? Mapapatawad ba niya ang ina? Matatapos na ba ang lahat ng masasamang plano nina Alfred at Jacky (Vaness del Moral)?  

Mapapanood ang The Half Sisters Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime.

 

Show comments