Magandang aktres slang na slang na, samantalang bobita nung nasa eskuwelahan!

May kahinaan pala ang ulo ng isang magandang aktres. Nu’ng nag-aaral pa lang siya ay wala  siyang ibang partisipasyon sa eskuwelahan kundi ang pagiging muse niya. Hanggang du’n lang.

Hindi siya naipadadala sa ibang eskuwelahan para sa Quiz Bee, elocution, oratorical o declamation contest. Pero kapag ginaganap ang kanilang foundation day ay panalung-panalo ang aktres, nagniningning ang kanyang ganda, walang puwedeng tumalo sa kanya pagdating sa pagandahan.

Sinuwerte lang na mabigyan ng pagkakataon ang aktres at ang kanyang pamilya na makapanirahan sa ibang bansa. Natural, iba-ibang lahi na ang kanyang kahalubilo, kaya natuto siyang mag-Ingles.

Pero kung mapapansin ay pa-slang nga siyang magsalita, pero mali-mali ang kanyang grammar at syntax, palatandaan na mahina nga ang kanyang ulo.

May kuwento ang kanyang mga kasamahan tungkol sa pagiging Inglesera ng aktres na ito. Humingi siya ng tubig sa utility ng production, English pa rin siya nang English nang pa-slang, “Can I have wutah (read: water)?”

Natural, nagpanggap naman ang utility na naintindihan nito ang aktres, pero ang totoo ay hindi. Tinanong nito ang kanyang mga kasamahan, ano raw ba ang wutah, pagkain daw ba ‘yun?

Sa awa ng isa pang utility sa kanyang kasamahan ay sadya itong dumaan sa harapan ng magandang aktres, “Where’s my wutah?” sabay senyas ng pag-inom, kaya natumbok ng utility na tubig pala ang hinihingi ng Ingliserang aktres.

Nu’ng minsang mapanood ng kanyang mga kaeskuwela ang magandang aktres na iniinterbyu sa isang talk show ay halos sabay-sabay silang nagsabi, “Pa-English-English pa siya ngayon, samantalang dati, e, siya ang palaging lowest sa mga exam natin? Nangongopya na nga, bopol pa rin! Maganda lang talaga siya.”

Ubos!

Dolphy napaghandaan ang mana sa maraming anak

Ang usapin ng pagbebenta ng mga naiwanang ari-arian ng namayapang Comedy King na si Dolphy ay isang patunay na hindi pumanaw na naghihirap ang Hari ng Komedya.

‘Yun kasi ang kumalat na kuwento nang mamatay si Tito Dolphy, naubos na raw sa kanyang pagkakasakit ang lahat-lahat ng kanyang naipon at pinaghirapan, kaya nagtulung-tulong na lang ang kanyang mga kaibigan para mairaos ang kanyang bayarin sa ospital at pagpapalibing.

Pero lumabas ang katotohanan ngayon na napakarami palang naipundar ng Comedy King, kalat-kalat ang mga nabili niyang lupain, kapag ibinenta ngayon ang lahat ng kanyang mga naiwanang propyedad ay daang-milyong halaga ang paghahati-hatian ng kanyang mga naiwan.

Maraming kuwentong lumulutang ngayon tungkol sa paghahatian ng kanyang mga properties na si Direk Eric Quizon ang namamahala, pero para sa mas nakararami nating kababayan ay hindi na ‘yun ang importante, kundi ang katotohanang nahawakan nang maayos ni Tito Dolphy ang kanyang mga kinita sa deka-dekada niyang pag-aartista.

Isang magandang halimbawa ang Hari ng Ko­medya sa kanyang mga kasamahang personalidad, hindi niya pinagdamutan ang kanyang sarili at ang kanyang mga anak nu’ng nabubuhay pa siya, pero sa kanyang pamamaalam ay ang kinabukasan pa rin ng kanyang pamilya ang naging prayoridad ng Comedy King.

Totoo ang kanyang mga sinasabi nu’n sa mga panayam na hindi panghabambuhay ang pag-aartista, may panahon ng pag-ani at panahon ng taglagas, kaya kailangang maging handa ang artista sa pagdating ng paglamlam ng kanilang karera.

Show comments