Dinedma ni Pope Francis at ng milyun-milyong Pilipino ang bad weather kahapon dahil itinuloy pa rin ang makasaysayang misa sa Quirino Grandstand.
I’m sure, na-feel na naman ng Santo Papa ang nag-uumapaw na pagmamahal sa kanya ng mga Pinoy dahil milyun-milyon ang bilang ng mga dumagsa sa Luneta Park at dumalo sa misa niya.
Bago inumpisahan ang Holy Mass, inikot ni Pope Francis ang lahat ng mga quadrant sa Quirino Grandstand para mabigyan ng chance ang lahat na makita siya nang malapitan.
Tulad ng dati, ipinahinto ni Pope Francis ang Pope mobile nang ma-sight niya ang isang sanggol. Binasbasan ng Santo Papa ang lucky baby.
Mga stalker ni Pope Francis blessing ang tingin sa ulan
Tinutukan ko uli ang misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand kaya parang nagpunta na rin ako doon.
Hectic ang schedule kahapon ni Pope Francis dahil pumunta pa siya sa UST bago nagmisa sa Luneta.
Mas hectic ang schedule ng mga Pinoy na stalker ng Santo Papa dahil mula sa UST, dumiretso sila sa Quirino Grandstand, hitsurang pumapatak ang malakas na ulan.
Para sa mga stalker ni Pope Francis, blessing ang hatid ng ulan, hindi karamdaman.
Ilang Pinoy naging pasaway na naman
Sabado nang mag-umpisa ang pagdagsa ng mga tao sa Luneta Park.
May mga nasaktan kahapon ng madaling-araw nang buksan ang Maria Orosa St. entrance dahil sa pagkakagulo ng mga tao na nag-unahan sa pagpasok.
Naiwasan sana ang insidente kung pinairal ang disiplina. Makakapasok naman ang lahat sa maayos na paraan at hindi sa pamamagitan ng balyahan.
Problema ng bayan sandaling nakalimutan
Maraming mga TV program ang hindi umere noong Sabado at kahapon dahil sa coverage ng mga misa ni Pope Francis sa Tacloban at Luneta.
Walang kasawa-sawa at kapaguran ang mga tao sa panonood kay Pope Francis, kahit paulit-ulit ang mga eksena na nakasakay siya sa Pope mobile at mainit ang pagtanggap sa kanya ng publiko.
Siguro naman, mababa ang crime rate sa ating bansa habang naririto si Pope Francis na napagbuklod talaga ang mga Pilipino.
Pansamantalang nakalimutan ng mga Pilipino ang mga problema ng bayan at nagkaroon ng ceasefire ang pagtatarayan ng mga nag-aaway na pulitiko.
Wish ko lang, palaging naririto sa Pilipinas si Pope Francis dahil sa positive effect ng presence niya.
CNN tinutukan ang Papal Visit
Ibinalita kahapon sa CNN ang concluding mass ni Pope Francis sa Luneta, pati ang mga kababayan natin na basang-basa sa ulan at nag-dialogue na waterproof ang kanilang mga pananampalataya.
In fairness sa CNN, hindi sila nawawalan ng news tungkol sa Papal Visit sa Pilipinas. Convinced na ako na may soft spot sa CNN people ang bansa natin at ang mga Pilipino mula nang magkaroon ng exclusive coverage si Anderson Cooper mula sa Tacloban City tungkol sa pananalanta ng Typhoon Yolanda aka Haiyan noong November 2013.
TV5 nagpa-live streaming sa concluding mass
May live streaming kahapon sa Smart Araneta Coliseum ang TV5, sa Luneta mass ni Pope Francis.
Libre ang entrance na sinamantala ng mga kababayan natin na hindi nakipagsiksikan sa Quirino Grandstand at ayaw mabasa ng ulan.
Komportableng-komportable sila habang pinapanood sa Big Dome ang concluding mass. Ang live streaming ang gift ng TV5 para sa lahat ng mga Pilipino na ni minsan eh hindi nabawasan ang pagmamahal at pananalig sa Panginoon.