PIK: Samu’t saring opinyon ang naririnig namin pagkatapos napabalita ang tungkol sa aksidenteng nangyari sa Tacloban airport na kung saan sakay ang mga cabinet members na kasama sa grupong ni Pope Francis. Hindi kasi naging maganda ang feedback sa speech ni Pres. Noynoy Aquino sa Malacañang na hanggang ngayon ay tinitira pa rin siya ng netizens.
Sana umiral daw ang totoong mensahe ng Papal Visit na Mercy and Compassion sa mga namumuno sa ating pamahalaan.
PAK: Pagkatapos humakot ng limpak-limpak na salapi ang isang pelikulang pinagbidahan ng kilala at kontrobersyal na aktor, sinasabi pala niya mismo sa mga kaibigan niya sa Viber group na basura ang pelikula niya. Hindi raw siya proud sa pelikulang iyun, pero kumita kaya masaya na rin siya at napanatili ang suwerte niya sa box-office.
BOOM: Nakalabas na ng hospital kahapon si Kuya Germs at sa bahay na raw itutuloy ang pagpapagaling niya.
Bahagi ng text message ng anak ni Kuya Germs sa mga kaibigang movie press: “He’ll continue all his therapy at home and at the hospital. Thank you for your love and prayers for papa. He is in high spirits and he sends his love to all of you.”
Ang narinig pa naming kuwento, hindi pa raw alam ni Kuya Germs na dadalhin siya sa Amerika para doon magpagaling.
Ang sabi raw ni Federico, ngayon daw ay siya na muna ang magdesisyon para sa kanyang ama. Kailangan daw kasi tuluy-tuloy ang pagpapagaling ni Kuya Germs kaya kontrolado ni Federico ang mga taong haharap sa kanyang ama.
May naririnig kaming kuwentong kaganapan sa ilang taong dumadalaw kay Kuya Germs, pero itinatanggi naman ng taong involved, kaya hindi na muna namin isusulat.
Basta ang gusto lang daw ni Federico ay hindi na mabigyan ng stress ang Papa niya, kaya inilalayo na niya sa mga taong magbibigay nito sa kanyang ama.