MANILA, Philippines - Masasaksihan na ang pinaka-aabangang kasalan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera dahil ihahandog ng GMA Network ang two-part wedding special ng paboritong couple ng mga Pilipino na mapapanood ngayong Enero 17 at 24, 8:15 p.m. pagkatapos ng Magpakailanman.
Ipapakita sa two-part special na ito ang pag-iisang dibdib nina Dingdong at Marian na nabuo at natupad dahil sa pagmamahalan nilang dalawa at sa pagmamahal ng mga taong nakapaligid sa kanila.
Sa unang part ng special na pinamagatang Dingdong and Marian Wedding Special The Ceremony na ipapalabas ngayong Enero 17, ipapakita sa lahat ng mga manonood ang seremonya ng kasal sa Immaculate Conception Cathedral, ang wedding attire nila Dingdong at Marian, ang pinakahihintay na entrance ni Marian sa simbahan pati na rin ang kanilang unang kiss bilang mag-asawa.
Ipapasilip din ang mga preparasyon at nakatutuwang eksena bago ang kasal at ang mga mensahe ng kanilang mga mahal sa buhay at kaibigan.
Bibigyan din ang mga manonood ng pagkakataon na makilala ang mga taong nasa likod ng tagumpay ni Dingdong na mabigyan at matupad ang dream wedding ni Marian kabilang na ang naging live TV proposal niya kay Marian, ang kanilang prenuptial shoot at pagkikipagmeeting ni Marian sa kanyang gown designer sa Dubai at ang pagsasalo kasama ang kanilang mga principal sponsors.
Matutunghayan din ang dramatic entrance ni Dingdong sa simbahan at ang pinakahihintay at pinaka-aabangang paglalakad ni Marian sa altar.
Habang sa Enero 24, tunghayan ang second part ng special na pinamagatang Dingdong and Marian Wedding Special The Celebration.
Mapapanood dito ang naging masayang selebrasyon at wedding reception sa SM Mall of Asia Arena pagkatapos ng church ceremony.
Ipapakita sa mga manonood ang never-before released na pre-wedding interview nila Dingdong at Marian, kanilang mga kaibigan at celebrity guests pati na rin ang mga detalye mula sa kanilang creative team na namahala sa reception.
Masisilayan din ang 3D-mapped wedding cake na nagpapakita ng iba’t ibang prenuptial videos ng mag-asawa sa Pampanga at Dubai at ang espesyal na short film na ginawa ng isa sa ninang nina Dingdong at Marian, si Bb. Joyce Bernal. Ipapakita rin ang surprise gifts nina Dingdong at Marian sa isa’t isa.