MANILA, Philippines - Pinag-usapan at pinalakpakan ang pagganap ni Jennylyn Mercado sa katatapos lang na Metro Manila Film Festival, kung saan siya ay tumanggap ng Best Actress Award.Ngunit bago pa man dumating ang kaniyang award-winning role, nagpamalas na siya ng kakaibang galing sa isang episode ng Magpakailanman (ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA 7) na pinamagatang May AIDS ang Asawa Ko.
Isinabuhay ni Jennylyn ang kuwento ni Melissa Fernando (hindi tunay na pangalan), isang babae na natuklasang ang lalaking minamahal niya ay may iba’t-ibang mga nagiging kalaguyo bilang seaman. At bukod sa kahihiyan na dala ng pagloloko nito, binigyan rin siya ng asawa ng sakit na AIDS.
Paano hinarap ni Melissa ang kinabukasang walang kasiguraduhan? Paano kung malaman niyang ang sakit na nakuha sa asawa ay nasa katawan na niya bago pa siya manganak? Paano kung nakuha rin ito ng anak nila?
Anong buhay ang naghihintay para sa mag-ina?
Balikan ang natatanging pagganap ni Jennylyn Mercado bilang isang ina na gagawin ang lahat para sa kanyang anak, at bilang isang babae na nagtiwala, nagmahal, at natutong lumaban sa sunud-sunod na dagok sa kaniya ng buhay.
Itinatampok din sina Mark Herras, Gwen Zamora, Kathleen Hermosa, at Bing Davao.
Mula sa direksyon ni Laurice Guillen.