Isang grupo ng mga magkakaibigang singers ang sumikat nu’ng dekada ’80. Ang iba sa kanila ay nag-solo lang, ang iba naman ay bumuo ng grupo, umingay ang kanilang mga pangalan.
Napakasaya nu’n ng mundo ng musika, maraming singers na sumikat, maraming piyesa rin nila ang nag-ambag ng sigla sa music world. Maraming konsiyerto, maraming proyekto, kabog na kabog ang kasalukuyang panahon.
Sa tropa ng mga male singers na sumikat nu’ng dekada ’80 ay may mga pinagdududahan ang kasarian. Malamyang gumalaw, pumipilantik ang mga daliri, beking-beki ang dating nila sa publikong tumatangkilik sa kanilang mga awitin.
Aapat sa kanila ang lantarang pinagdududahang may berdeng dugo. Ang dalawa ay hindi na gaanong aktibo, nasa ibang bansa na, pero ang dalawa ay nandito pa at paminsan-minsan pa ring napapanood sa mga variety shows.
Pero iba ang market ng isa sa mga pinagdududahang sirena, sa mundo ng palakasan siya namimingwit ng kanyang huli, napakahilig niya sa mga lalaking palaging pawisan at may malalaking bulto ng katawan.
Nu’ng minsang makita siya ng isang beki ring source ay napasigaw ito, “____ (pangalan ng beking tisoy na singer)! Ano ang ginagawa mo rito? Sumagot naman nang buong ningning ang beking singer, ‘Alam mo na….’
“Maya-maya ay may dumating nang basketball player, pawisang-pawisan, katatapos lang ng practice. Ang basketbolistang ‘yun na sumikat ang iniirog ng beking singer.
“Hanggang ngayon, e, visible pa rin ‘yung lalaki, pero hindi na siya nagdidribol at nagsu-shoot, coach na siya ng isang malakas na team sa professional league!” pambubuking pa ng aming impormante.
Sirena nga at hindi siyokoy ang tisoy na singer, maraming nanghihinayang sa kanyang kaguwapuhan, pero ano ang magagawa ng mga usisero kung gusto niyang sumisid sa drum na puno ng tubig?
#DearPopeFrancis ang lakas ng impact
Ang tao raw, kapag nakadikit na ang likod sa lupa, ay saka lang natututong tumingala. May katotohanan ang kasabihang ‘yun dahil kapag inaatake na tayo ng mga problema at paghamon, kadalasan ay nakakaalala lang tayong tumawag sa Diyos kapag wala na tayong matakbuhan, kapag ang pakiramdam nati’y sumusuko na tayo sa paghanap ng solusyon.
Kapag nakaraos na tayo sa mga problema ay meron pa rin tayong nakakalimutan. Ang pagpapasalamat sa Diyos, ang pagbabalik sa Kanya ng kredito, dahil wala naman talaga tayong magagawa kundi Niya tayo tutulungan.
‘Yun ang buod ng malaganap na #DearPopeFrancis ng TV5 na talaga namang umaani na ngayon ng milyun-milyong pagsuporta mula sa ating mga kababayan.
Sa pamamagitan ng Santo Papa Francisco na nasa ating bansa na ngayon ay maraming hiling ang mga Pilipino para maiparating sa ating Panginoon. Mga dasal na para sa ating mga kababayan ay mas mabilis na maririnig ng Diyos dahil si Pope Francis ang agad-agarang magpaparating.
Ang mga kapatid natin sa Leyte at Samar at sa iba pang mga probinsiyang sinalanta ng mga bagyo ang higit na emosyonal ngayon sa pagpapatulay ng kanilang hiling kay Pope Francis.
Dahil sa bagyong Yolanda ay hindi lang ang kanilang kabuhayan ang nawasak, inulila rin sila ng mga mahal sa buhay na ni hindi na nila nakita ang mga labi, todong panalangin ang gusto nilang maiparating ngayon sa Diyos sa pamamagitan ng Santo Papa.
Nu’ng kasagsagan ng pananalanta ng Yolanda ay narating namin ang Palo, Leyte para sa pamamahagi ng tulong ng Alagang Kapatid ng TV5.
Kahila-hilakbot ang naging kapalaran ng ating mga kababayan du’n, wala kang makikitang nakatayong bahay, lahat ay nakikipaghalikan sa lupa dahil sa malalakas na bigwas ng hangin at malalaking alon na lumamon sa kanilang kabuhayan.
Maraming salamat dahil isa ang Pilipinas sa mga bansang napiling basbasan ni Pope Francis.