Kahit pinagtiyagaan nung walang trabaho: Bayani Agbayani binastos ang TV5!

“Galit” at hindi “sama ng loob” o “nagtatampo ako” ang ginamit na salita ni TV5 Chief Content Officer Wilma Galvante sa ginawang pagba-backout ni Bayani Agbayani sa 2 1/2 Daddies dahil may tinanggap itong show sa ABS-CBN. Ito’y kahit nakapag-taping na si Bayani sa pilot episode ng comedy series na magpapanood sa January 24, 7:00 p.m.

“Nagalit ako sa kanya kasi alam na niyang may offer sa kanya ang kabila, nag-taping pa siya ng pilot ng 2 1/2 Daddies at ang sabi, hanggang sa se­cond episode lang siya. Alam niyang continuing ang character niya. Kaya pala hindi niya pinipirmahan ang hawak niyang kontrata para sa show ng TV5 dahil may tinanggap siyang ibang show.

“Sana respeto na lang sa network. Inaanak ko siya, ako ang nag-discover sa kanya at never ko ­siyang iniwan. Pinayagan ko siyang umalis sa GMA-7 noon at lumipat sa ABS-CBN, nang bumalik sa GMA-7, tinanggap ko pa rin. Nang magpa-release ng kontrata sa GMA-7 para lumipat sa TV5, ni-release ko. Hindi siya nawalan ng show sa TV5, ‘pag may bagay na role sa kanya, inilalagay namin. Alam niya palang hindi niya tatapusin ang 2 1/2 Daddies, bakit nag-taping pa siya? Hindi fair sa network ang ginawa niya,” pahayag ni Ms. Wilma.

Hindi raw nagpaalam nang maayos si Bayani at sinabi niya rito na galit siya sa pagiging unprofessional nito. Hindi lang daw ang mga kasama nito sa comedy series na pinangungunahan ni Robin Padilla ang binastos ni Bayani, pati ang network.

Kuwento pa ni Ms. Wilma, tinawagan niya si Ba­yani sa unregistered number niya at ang sagot ni Bayani, hindi niya kilala ang tumawag. Nang magpakilala siyang si Wilma, tumawag agad si Bayani, pero hindi na niya sinagot at hanggang ngayon, hindi na sila nagkakausap.

Jane confident sa Nasaan…

Naniniwala si Jane Oineza na susubaybayan ang launching teleserye niyang Nasaan Ka Nang Kaila­ngan Kita ng ABS-CBN na airing na sa Monday, January 19, 3:45 p.m., at kasama sa Kapamilya Gold time slot.

Bukod sa pinaghandaan ng husto, confident din siya na magugustuhan ang kakaibang story na sesentro sa iba’t ibang karanasan sa pag-ibig, malaking bagay din ang kasama niya sa cast kabilang sina Vina Morales, Denise Laurel, at Christian Vasquez. Idagdag pa na sina Jeffrey Jeturian at Mervyn Brondial ang directors nito.

Si Jerome Ponce ang kapareha ni Jane, pero nali-link din siya kay Joshua Garcia. Hindi naman siguro nila pag-aawayan ni Jeron Teng ang dalawang guys!

Si Dominic Ochoa ang winner dahil kasama siya sa Nasaan Ka Nang Kailangan Kita at Oh My G! Na parehong sa Monday ang pilot. Kahit sabihin pang guest role lang siya sa NKNKK, dalawa pa rin ang teleserye niya.

John at Diana ipinahiram

Co-host pala ni Ogie Alcasid si Venus Raj sa Rising Star Philippines, ang singing talent search ng TV5, pero wala siya sa presscon/launching ng new shows ng network.

Present si John “Sweet” Lapus na nasa cast ng Mac & Chiz at hindi lang siya ang ABS-CBN talent na kasama sa sitcom nina Derek Ramsay, Empoy, at Bianca King dahil kasama rin si Diana Zubiri.

Samantala, may season 2 na ang Wattpad Presents at nabanggit na may ilang ABS-CBN talents na lalabas sa mga episode. Hintayin natin kung sino ang mga Kapamilya talents na pinayagang lumabas sa TV5.                                         

Show comments