TV networks kanya-kanyang diskarte ang coverage sa Papal Visit
MANILA, Philippines - Kung maraming nakahandang sumalubong at masilip si Pope Francis na lalapag sa Villamor Airbase ngayong araw, marami rin namang nag-aabang na lang sa coverage ng mga TV network.
Kaya naman handang-handa na ang tatlong network – TV5, ABS-CBN, at GMA-7 sa kanilang live coverage.
At dito masusubukan kung sino sa tatlong network ang pinakamahusay pagdating sa paghahatid ng mga balita sa makasaysayang Papal Visit. Kung magpapakanatural ba ang mga reporter at anchor o sasamahan nila ng ‘drama’ ang kanilang mga pagbabalita.
Walang exclusivity ang coverage kaya kanya-kanyang diskarte ang coverage.
Ang ABS-CBN, ieere ng live pati na rin sa ANC, at DZMM ang mga misang pangungunahan ni Pope Francis sa Manila Cathedral (Enero 16), Tacloban (Enero 17), at Luneta (Enero 18). Magkakaroon din sila ng libreng public viewing ng misa sa Luneta sa Alabang Town Center, Glorietta, Trinoma, Fairview Terraces, Market Market, at Harbor Point sa Metro Manila at sa higit sa 50 lugar sa buong bansa.
Sa pangunguna ng Vatican media correspondent na si Lynda Jumilla na siyang makakasama sa papal flight, Thank You sa Malasakit: Pope Francis sa Pilipinas ang concept ng coverage nila kasama ng mamamahayag nilang sina Noli De Castro, Korina Sanchez, Ted Failon, Tina Monzon-Palma, Karen Davila, Ces Drilon, Julius Babao, Alvin Elchico, Bernadette Sembrano, Henry Omaga Diaz, Vic Lima, Bro. Jun Banaag, Winnie Cordero, Ariel Ureta, Pinky Webb, TJ Manotoc, Ron Cruz, Coco Alcuaz, Gigi Grande, Karmina Constantino, at David Celdran.
Sa TV5 pangungunahan ng News5 Correspondent Carla Lim na siyang mismong nakasakay sa Papal plane kasama ng Santo Papa mula Vatican, mas malapitang mapapanood ng buong bayan ang pagsalubong kay Pope Francis.
Magbibigay din sila ng mga pinaka-updated at mahahalagang balita at kaganapan mula sa oras ng pagdating hanggang sa pag-ikot ng Santo Papa sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Makakasama buong araw mula January 15 hanggang 19 ang ilan sa mga pinakapinagkakatiwalaan at tanyag na broadcast journalist ng bansa sa katauhan ng Hepe ng News5 na si Luchi Cruz-Valdes, kasama rin ang award-winning newscaster na si Erwin Tulfo at ang mga seasoned news personalities na sina Cheryl Cosim at Ed Lingao.
Handog din ng TV5 ang naiibang pag-uulat ng kaganapan sa pagbisita sa pamamagitan ng mga tinaguriang ‘Popeparazzis’ na sina Lourd de Veyra, Ramon Bautista, Jun Sabayton, at RA Rivera, na siyang maghahatid ng mga opinyon at saloobin ng ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng kanilang man-on-the-street (MOS) reports.
Bukod sa mga nabanggit, maghahatid din ng libreng livestream coverage ang Kapatid Network sa Smart-Araneta Coliseum ng January 15 – 18, araw-araw simula ng 9:00AM.
Hindi rin padadaig ang GMA. Ihahatid rin nila ang mga importanteng pangyayari sa Papal visit sa flagship primetime newscast nilang 24 Oras, late-night news source na Saksi, Unang Hirit, at special edition ng Flash Report.
Mapapanood naman ang mga pinakabagong kaganapan sa news programs ng GMA News TV kabilang na ang News to Go, Balitanghali, Balita Pilipinas Ngayon, Quick Response Team, State of the Nation with Jessica Soho, at news bulletin na News TV Live.
Pangungunahan nina GMA News pillars Mel Tiangco, Mike Enriquez, Vicky Morales, Arnold Clavio, Howie Severino at Jessica Soho, ang Kapuso coverage.
Kaya sa mga hindi makakadalo sa mga misa ni Pope Francis particular na ang nasa mga probinsiya, tiyak walang makakalampas na importanteng pangyayari sa pagdating sa bansa dahil sa patalbugang coverage ng tatlong TV network.
- Latest