MANILA, Philippines – Walang patid ang pagtutok ng mga manonood sa GMA Network noong 2014 partikular sa Urban Luzon at Mega Manila, kung saan patuloy ang pangunguna nito sa TV ratings, ayon sa datos ng Nielsen TV Audience Measurement.
Nasungkit ng Pacquiao-Algieri: Hungry for Glory at Pacquiao-Bradley 2 Vindication ang una at ikalawang puwesto sa listahan ng top programs (kasama ang specials) sa Urban Luzon at Mega Manila. Pasok din sa listahan ang mga top-rating GMA show na Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), Magpakailanman, My Destiny, Niño, Celebrity Bluff, Strawberry Lane, Marian, 24 Oras at Pepito Manaloto.
Sa Urban Luzon, kung saan matatagpuan ang 77 percent ng lahat ng urban TV households sa bansa, nakapagtala ang GMA ng 36.4 percent.
Nanatili ring malakas ang GMA sa balwarte nitong Mega Manila dahil sa nakuha nitong 37.6 percent.
Ngayong 2015, may mga panibagong programa ang Kapuso Network na tiyak na tututukan ng publiko.
Kasalukuyan nang napapanood sa GMA Telebabad ang Once Upon A Kiss na pinagbibidahan nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali, at Second Chances na kinatatampukan nina Jennylyn Mercado, Camille Prats, Rafael Rosell at Raymart Santiago.
Dapat ding abangan ang Healing Hearts nina Joyce Ching, Kristoffer Martin at Krystal Reyes, at Kailan Ba Tama Ang Mali? nina Geoff Eigenmann, Empress Schuck, Dion Ignacio at Max Collins sa GMA Afternoon Prime.