ABS-CBN, nakuha ang top 20 programa ng 2014

MANILA, Philippines – Numero unong TV network ang ABS-CBN sa buong taon ng 2014 dahil mas maraming kabahayan ang tumutok sa mga programa nito, lalo na pagdating sa pinakamahalagang timeblock na primetime block (6PM to 12MN).

Sa datos ng Kantar Media mula Enero hanggang Disyembre 2014 ay nagtamo ang ABS-CBN ng total day (6AM to 12MN) average national audience share na 44%, o sampung puntos na mas mataas sa 34% ng GMA. Patuloy itong namayagpag sa primetime dahil sa average audience share of 49.

Nagwagi rin ang Kapamilya network sa early afternoon (12NN to 3PM) at late afternoon blocks (3PM to 6PM) na parehong may 42% average audience.

Lahat ng pwesto sa listahan ng 20 pinakapinanood na programa sa buong bansa sa katatapos lang na taon ay hinakot ng ABS-CBN. Pinangunahan ito ng  The Voice Kids na may average national TV rating na 34.5%.

Pagdating sa balita, nanatiling pinakasinusubaybayan ang top 11 na TV Patrol dahil sa average national TV rating of 27%.

Kabilang din sa top 20 programs noong 2014 ang Honesto (31.7%), Dyesebel  (30.1%),  Ikaw Lamang (28.4%), Got To Believe (28.3%),  Hawak Kamay  (28.1%), Maalaala Mo Kaya (28%), Dream Dad (27.7%), The Voice of the Philippines (27.5%),  Wanspanataym (27.1%), Forevermore (26.8%),  Annaliza (22.9%), Rated K (22.7%), The Legal Wife (22.4%), Bagito  (22.1%),  Pure Love (21.6%), Home Sweetie Home (21.5%),  Mga Kwento Ni Marc Logan (21.1%), at Two Wives (20.9%).

Show comments