Hindi pa sumasabak si Sancho Vito delas Alas sa mga acting assignment dahil inuuna niya ang mga acting workshop para hindi siya mapahiya sa mga direktor at artista na makakatrabaho sa kanyang future projects.
Hindi “the who” si Sancho dahil ito ang panganay na anak ni AiAi delas Alas na umamin na stage mother siya.
Matagal nang pangarap ni Sancho na maging artista, pero hindi siya pinapayagan ni AiAi dahil sinabi nito na dapat tapusin muna niya ang kanyang pag-aaral.
Wala nang puwedeng idahilan si AiAi nang maka-graduate si Sancho kaya binigyan niya ng go signal ang bagets sa pagpasok sa showbiz.
Sasali sana si Sancho sa reality show na Pinoy Big Brother (PBB) noong 2014 pero napurnada ang plano nito.
Na-hurt si Sancho sa nangyari pero naka-move on na siya.
Inisip na lang niya na wala sa balak ni God na makasali siya sa reality show na nag-reject sa kanya.
Silver anniversary concert sa MOA ni AiAi kasado na rin
Si AiAi ang kauna-unahang local artist na magkakaroon ng show sa The Theater ng Solaire Resort & Casino.
Makakasama ni AiAi sa Pre-Valentine concert na AiHeartPapa si Richard Yap na leading man niya sa My Binondo Girl.
Hindi pa sikat si Richard nang makapareha siya ni AiAi sa dating primetime show ng ABS-CBN.
Ngayon, may name na si Richard at marami ang looking forward na mapanood ang reunion concert nila ni AiAi sa The Theater.
Kasado na rin ang 25th anniversary concert ni AiAi sa Mall of Asia Arena.
Sure na ang silver anniversary show ni AiAi sa November 14.
Dalawa ang ipagdiriwang ni AiAi sa November 14, ang birthday niya sa November 11 at ang 25th year niya sa entertainment industry.
Malaki rin ang tsansa na gumawa ng pelikula si AiAi para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2015 pero nasa planning stage pa lamang ang lahat.
Tiniyak ni AiAi na magiging bonggang-bongga ang 2015 dahil maraming sorpresa ang inihahanda niya para sa mga tagahanga na walang sawa na sumusuporta sa kanya.
Style ni Raffy Tima sa pagri-report bawal sa pagdating ni Pope Francis
May dry run pala kahapon sa Villamor Airbase para sa pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas sa January 15.
May mga kakilala ako na maaga na umuwi ng bahay dahil iniiwasan nila na maipit sa trapik na epekto ng dry run.
Lalapag sa Villamor Airbase ang eroplano na sasakyan ni Pope Francis mula sa Sri Lanka.
Maraming bawal sa pagdating ni Pope Francis. Bawal gumamit at magdala ng payong ang mga tao na gusto siyang makita nang personal.
Ipagbabawal din ang paggamit sa TV coverage ng unmanned aerial vehicle o drone.
Si Raffy Tima ng GMA-7 ang madalas na gumagamit ng drone sa kanyang mga TV coverage. Huling ginamit ni Raffy ang drone nang i-cover niya ang mga kaganapan sa traslacion ng Black Nazarene noong January 9.
Pahinga muna ang drone ni Raffy dahil ipinagbawal ito ng PNP, alang-alang sa seguridad ng Santo Papa.
Gustong-gusto nga pala ni AiAi na makita nang personal si Pope Francis pero malabo na mangyari ito. Susubaybayan na lang daw niya sa TV ang mga gagawin ni Pope Francis sa limang araw na pananatili nito sa ating bayan.