Bahay nila Annabelle hinagisan ng ‘bomba’, ‘anak’ ni Eddie Gutierrez arestado

MANILA, Philippines – Puyat-puyatan ang beauty ni Annabelle Rama kahapon dahil sa isang insidenteng naganap sa tahanan nila sa isang village sa may Quezon City kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Bisaya, halos hindi siya nakatulog dahil sa pag-iisip dahil 1:40 a.m. nang sunud-sunod na katok ang gumising sa mister niyang si Eddie Gutierrez. Ang long-time trusted assistant nilang si Rudy ang kumatok-katok sa pintuhan ng kanilang kuwarto.

“Si Eduardo ang nagbukas ng pinto at sinabi niya kay Rudy na natutulog ako kasama ang apo kong si Baby Aria. Pinagising ako ni Rudy. Pagkatayo ko, ang narinig kong sinabi ni Rudy, may naghagis daw ng tatlong bomba sa garahe ng bahay namin.

“Natakot ako bigla, pero mali pala ang dinig ko. Hindi pala tatlong bomba, tatlong bag pala ang sinabi ni Rudy. Bigla kasi akong nagising sa himbing ng pagkakatulog, kaya mali ang narinig ko.

“Tinawagan ko kaagad ang security department ng ______ (pangalan ng kanilang village) at sinabi ko na may naghagis ng tatlong bag sa garahe namin at kailangan nilang pumunta kaagad, ‘tapos tumakbo naman ako sa may terrace at sinabihan ko ang mga tao sa garahe namin na ilabas at ilagay sa labas ng bahay ‘yung tatlong bag.

“Nang ma-check naman, mga personal na gamit ang laman at may ID pa. Mukhang magaganda pa nga ang mga damit,” kuwento ni Bisaya.

Hinanap daw sa buong village ang taong naghagis ng tatlong bag sa kanilang garahe, pero walang makita at wala rin namang lumabas sa gates na bukas, pero nang i-check ang mga CCTV sa kapaligiran ng kanilang village, nakita na may isang lalaking nagtatago sa may saradong gate ng kanilang village, kaya pinuntahan ‘yon ng security guards at dinala sa may barangay.

Magdamag daw na hindi nakatulog si Bisaya at pati ang kanyang pamilya.

“Si Alexa (Uichico, nanay ni Baby Aria), takot na takot. Isip ako nang isip kung sino ang taong ‘yon. Pati si Ruffa (Gutierrez), ginising ko. Tinawagan ko at ikinuwento ko ang nangyari. Sobrang busy ng phone ko, lahat ng mga taong nagmamahal sa pamilya namin, tinawagan ko,” sabi ni Bisaya.

Sa pagod daw, nakatulog din siya kahit paano kaya umaga na niya nakausap ang mga taga-Barangay para ipaalam sa kanya na nasa kanila nga ang taong naghagis ng tatlong bag sa kanilang garahe.

Pinapunta rin ng mga taga-Barangay sa kanilang opisina si Annabelle para makapag-file ng reklamo.

“Bago ako umalis ng bahay, nandoroon na sina Richard at Sarah (Lahbati) dahil worried din sila. Nang papunta na ako sa barangay office, tinawagan ako ni Richard, huwag na raw akong mag-file ng reklamo at patawarin na raw ‘yung tao. Ipinaalala sa akin ni Richard na katatapos lang ng Pasko at wala namang masamang ginawa sa amin ‘yung tao, kaya magpatawad na raw ako,” sabi pa ni Bisaya.

Nakaharap ni Bisaya ‘yung taong ‘yon sa barangay office at nagmakaawa nga raw sa kanya, kaya hindi na lang siya nag-file ng reklamo.

May kuwento pa si Bisaya tungkol sa taong nag­hagis ng tatlong bag sa kanilang garahe.

Sinasabi raw nito na si Tito Eddie ang tatay nito at ‘yon daw ang sinabi ng nanay nito.

Nang mabanggit daw ang pangalan ng sinabing nanay ng taong ‘yon, nag-dialogue raw si Mang Rudy ng, “Eddie, ‘di ba naging girlfriend mo ‘yon noong 1978? Baka nga anak mo ‘yon?!”

Nabigla raw ang lahat ng mga kaharap sa dialogue ni Rudy, pero sinagot naman daw ni Tito Eddie na paano niyang magiging anak ‘yon samantalang sa identification card ng taong ‘yon na nakuha sa isa sa tatlong bag na inihagis sa kanilang garahe ay 21 years old lang ang taong ‘yon?

“Sagot ba naman ni Rudy, ‘Eddie, baka nagkabalikan kayo noong 90’s?’ at natawa na lang kaming lahat.

“Ako naman, kahit nabuking na nakarelasyon ni Eduardo noong 1978 ‘yung nanay no’ng taong ‘yon, hindi ako nag-react. Wala naman kaming relasyon ni Eduardo no’ng time na ‘yon dahil nasa Amerika ako. Hindi talaga ako nag-react. Sabi ko kay Eduardo, okay lang kasi wala pa naman kami ng mga panahong ‘yon. Hindi ako nagseselos,” sey ni Annabelle.

Sa hitsura naman daw ng taong naghagis ng tatlong bag sa kanilang garahe ay imposible naman daw na anak ito ng kanyang mister dahil medyo maliit nga ito at hindi kahawig ni Tito Eddie, ayon pa kay Bisaya.

Nakademandang asawa ni Onemig hindi pa nagpaparamdam

Ayon sa legal counsel ni Onemig Bondoc na si Atty. Cornelio “Jun” Samaniego (heto ang tamang apelyido niya), nag-usap silang mabuti ng kanyang kliyente bago ito nagdesisyon na mag-file ng sole custody with prayer for temporary protection order laban sa estranged wife na si Valerie Sophie Geral­dine Christina P. Bariou para legal na mapunta sa dating aktor ang mga anak nito na sina Armelle Janelle Christine (7 years old) at Antoine Maelan Mariano Bariou Bondoc (1 year old).

Desidido raw talaga si Onemig na mapunta sa kanya ang legal na pangangalaga sa kanyang mga menor de edad na mga anak.

Samantala, nang mag-update ako kahapon kay Atty. Samaniego kung nagkausap na ba sina Onemig at ang estranged wife nito tungkol sa kasong isinampa ng dating aktor, sinabi ng legal counsel ni Onemig na sa pagkakaalam niya, hindi pa nagkakausap ang kanyang kliyente at si Valerie.

 

Show comments