Buti naman at nakumbinse ang pamilya ni Kuya Germs na huwag nang ituloy ang balak nilang pagdadala sa Master Showman sa abroad para sa therapy nito.
May nagpayo sa kanila na maraming magagaling na therapist ang bansa na makakatulong sa mabilis na paggaling ng TV host. Sa pananatili ng bansa, mas mabilis ang magiging paggaling ni Kuya Germs na kahit sa kalubhaan ng kanyang karamdaman ay hindi pa rin maalis sa kanyang isipan ang maraming nangangailangan ng kalinga niya.
Tama lang na huwag muna siyang patanggapin ng bisita pero, ‘yung ilayo siya completely sa mundo na nagpaligaya at nagpapaligaya sa kanya ay baka lalong magpa-stress at makasama sa kanya.
Kris at AiAi pinag-aaway na naman
Sa halip na mabuong muli ang isang nawasak na friendship, tila balak ng maraming tagasubaybay nina AiAi delas Alas at Kris Aquino na i-revive ang away ng dalawa sa pagsasabing ginawa lamang ni Kris ang pakikipagbati niya sa dating kaibigan dahil sinabi lang ni Mayor Herbert Bautista.
For wahatever reason meron si Kris sa ginawa niya, hindi ba dapat ay magbunyi na ang tagahanga nilang dalawa at huwag nang hanapan pa ng butas ang ginawa ni Kris?
Basta ang mahalaga ay bati na sila at magandang panahon ito para maibalik nila ang kanilang friendship.
Jennylyn pinipilahan ng manliligaw
Hindi sa Best Actress lang sinuwerte si Jennylyn Mercado, mukhang pinupupog din siya ng manliligaw ngayon.
Hindi pa man napapatunayan ang sinasabing reconciliation nila ni Dennis Trillo, o ang patuloy na pagli-link sa kanila ni Derek Ramsay at ni Mayor Erap Estrada, heto at may bago na namang inirereto sa kanya, si Raymart Santiago na una nang nagsabi na hindi pa siya handa dahil binubuo pa rin niya ang kanyang sarili. Si Jennylyn din naman ay hindi rin handa sa pakikipagrelasyong muli at ang pagtanggi niya ang nagsisilbing imbitasyon para magkakulay ang kanyang lovelife. Come on kasi sa mga lalaki ‘yung pagiging hard to get ng babae.
“Hindi ako nagpapa-hard to get. Pero, talagang hindi naman totoo ‘yung mga nababalita, Hindi ko nga alam kung saan nila nakukuha. Naiinis ako pero, ayaw kong pansinin, gusto ko na lang dedmahin,” anang Kapuso actress.
Olive C walang tigil sa promo
Mukhang swak ang post Christmas party na ibinibigay ng Psalmstre ni G. Jaime Acosta sa press. Ginaganap ito sa unang linggo ng Enero at malaking bentahe para sa kumpanya na gumagawa ng mga sabong pampaputi (New Placenta at Olive C para sa maselang balat ng mga kabataan). Naisasabay na rin ang promosyon ng dalawang sikat na sabon na tinatangkilik na rin ng mga Arabo. Longest running ‘yung promo para sa New Placenta at ang taunang Mr. & Ms. Olive C search na inoorganisa ng CREWorks Asia para sa sabong Olive C.
Sinamahan si G. Acosta sa kanyang event ang mga endorser ng New Placenta na sina Stephany Stefanowitz at June Macasaet, ang mga kasalukuyang Mr. & Ms Olive C na sina Ryan Paul Artienda at GMA talent Ashley Ortega at ang 2013 Olive C grand winner at ngayon ay brand ambassadress na si Chelsea Starling.