MANILA, Philippines - Suwail na anak na napatay ang sariling amang nagsusumikap na siya’y ituwid ang papel na gagampanan ni Matt Evans (Jay-R) sa Ipaglaban Mo” ngayong Sabado (Enero 10).
Lumaki sa may kayang pamilya si Jay-R kaya naman nagawang ibigay ng kanyang mga magulang ang lahat ng kanyang gusto. Ganoon pa man ay lumaking rebelde si Jay-R. Nalulong siya sa droga at alak na madalas pag-ugatan ng away nila ng kanyang ama at kapatid. Nanatili namang maunawain sa kanya ang kanyang inang si Magda (Rita Avila).
Sa pag-asang maaakay pa ng amang si Dario (Juan Rodrigo) ang anak niya sa tamang landas, pinagbigyan nito si Jay-R sa hiling na makipag-inuman sa kanya para na rin mapangaralan niya ito. Hanggang sa isang gabi, ang isa sa kanilang inuman ay nauwi sa krimen. Walang awang sinagasaan ng sasakyan ni Jay-R ang kanyang ama nang pigilan siya nitong bumalik sa bar kung saan sila nanggaling.
Napaniwala ni Jay-R ang ina na aksidente lamang ang nangyari, ngunit hindi ang kanyang kapatid na si Maggie (Dianne Medina). Ano ang parusang ipapataw kay Jay-R kapag lumabas ang katotohanan?