MANILA, Philippines - Sabi-sabi ng marami na ang kabataan ang kinabukasan ng bayan. Ngunit paano na lang kung ang isang bata ay sukuan ang kaniyang kinabukasan para sa kapakanan ng kaniyang mga kapatid?
Ngayong Sabado, samahan si Ms. Mel Tiangco sa kaniyang pakikipanayam kay Carlo Hufana, isang teenager na naging ama at ina sa kaniyang dalawang kapatid na may kapansanan sa pag-iisip.
Paano napunta sa ganitong sitwasyon si Carlo? Ano ang nangyari sa kaniyang magulang? At magagawa nga ba ng isang bata ang magpalaki ng mga kapatid, kung siya mismo ay nangangailangan pa ng kalinga at patnubay ng nakatatanda?
Itinatampok si Ruru Madrid sa isang natatangging pagganap bilang si Carlo, isang binatang pinasan ang responsibilidad na iniwan ng kaniyang mga magulang, para mahalin at alagaan ang dalawang kapatid na itinatatwa ng kanilang mga kamag-anak.
Hanggang saan aabot ang pasensya at pagmamahal ni Carlo para sa kaniyang mga kapatid? At paano niya haharapin ang katotohanang hindi sapat ang kaniyang pag-aaruga para sila ay mabuhay?
Kasama ni Ruru sa episode na ito ang Cinemalaya Best Supporting Actor na si Miggs Cuaderno sa challenging role bilang si Angelo, ang isa sa mga mentally-challenged na kapatid ni Carlo; kabilang rin sina Leandro Baldemor, Shyr Valdez, Lui Manansala, Angeli Bayani, Prince Vinluan, at sa espesyal na partisipasyon ni Angelika dela Cruz.
Mula sa direksyon ni Maryo J. Delos Reyes, alamin ang kuwento ni Carlo at ng kaniyang mga kapatid sa Magpakailanman, ngayong Sabado (January 10) pagkatapos ng Pepito Manaloto, Ang Tunay na Kuwento sa GMA-7.