MANILA, Philippines - Dahil uso naman ang New Year’s resolution, gumawa kami ng isang prayer list para sa ilan nating mga sikat na artista. Batu-bato sa langit, tamaan huwag sanang magalit.
· Na ang image at kasikatan ni Sarah Geronimo ay mapanatili, bilang tunay na role model ng mga kabataan. Sana ang kanyang relasyon sa kasintahang si Matteo Guidicelli ay magsilbing magandang halimbawa rin para sa kanyang mga fans.
· Na iwasan ng mga hindi pa kasal na showbiz couples na mag-post ng kanilang intimate vacations at holidays sa social media lalo na kung wala naman silang kasamang iba. Mas mabuti nang hindi sila pinagsisimulan ng maruming kaisipan ng mga nagbabasa.
· Magkaroon pa ng mga kasunod na pelikulang pinagbibidahan sina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo dahil nasasabik pa rin ang kanilang mga fans.
· Magpakasal na ang mga showbiz couples na sina Bea Alonzo at Zanjoe Marudo, John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban, Anne Curtis at Erwan Heussaff.
· Para sa mga nagbabangayang ex-married couples na magkaroon na ng katahimikan sa buhay nila para sa ikabubuti ng kanilang mga anak. Sana ang both parties ay magdesisyon na kalimutan ang mga pansariling agenda at magpakita ng tunay na pagbibigayan. Na bago nila ibukas ang mga bibig or gumawa ng kahit anong hakbang ay itanong muna nila sa sarili nila ang ganito: Masama ba ang magiging epekto nito sa aming mga anak?
· Para kay Dr. Hayden Kho, na sana ay tuluy-tuloy ang kanyang growth bilang isang mahusay na preacher katulad ng kanyang mentor na si Ravi Zacharias. At sana ang kanyang lovelife ay maging mas interesting at tugma sa kanyang pananampalataya.
· Para kay Dingdong Dantes at Marian Rivera na huwag na maging defensive sa gitna ng batikos sa kanilang magarbong kasal. Ang isang matagumpay na high profile wedding ng katulad nilang high profile na artista ay natural na pag-uusapan ng mga tao, lalo na kung mula’t sapul naman ay iniladlad nila sa publiko sa pamamagitan ng malawakang coverage ng telebisyon at kanilang mga kaibigang press people.
· Isang malusog at masayang bagong taon para kay Mother Lily Monteverde na magbibigay sa kanya ng mas makahulugang pagsasamahan sa kanyang pamilya at mga kaibigan.
· Marami pa sanang shows at movies para kay Ryzza Mae Dizon upang maipakita pa niya lalo ang kagalingan niya sa pag-arte.
· Para sa GMA 7 upang makabalik sila sa kompetisyon. Nakalulungkot na ang Kapuso network ay nagkaroon ng “sad, losing streak” nitong nakaraang taon at bihira ang mga programa nila ang nagkaroon ng impact sa publiko at sa ratings game.
· Si Jessica Soho ang maging main anchor ng primetime newscast ng GMA dahil siya naman ang nag-iisang credible at most competent news anchors on television, kahit sa labas ng GMA 7.
· Ang pagpapakasal ni Piolo Pascual sa isang babaeng katangi-tangi sa lalong madaling panahon. Ito ay matatawag nating “ultimate vindication.”
· Para kay Julia Barretto upang maging mas mabuting anak sa kanyang amang si Dennis Padilla. Dapat ma-realize ni Julia na ang ama ay ama kahit na anong mangyari. Mas mapapalapit siya sa kanyang mga tagahanga kung magpapakita siya ng respeto lalo na at may mga issue siya laban dito.
· Para kay Sen. Bong Revilla at ang kanyang butihing maybahay na si Cong. Lani Mercado upang ma-turn-around nila ang kanilang “tragedy” into “victory” sa pamamagitan ng kanilang faith. Nawa’y mas maging matatag ang kanilang pananampalataya at ang kanilang family ties dahil dito.