Aktres na tunog angel ang pangalan, iniisnab-isnab ang mga dating kaklase

Maraming naliligayahan sa tagumpay na hawak ngayon ng isang young actress. Marami siyang tagahanga, kumikita ang kanyang mga pelikula, madalas din siyang nagiging kontrobersiyal.

Pero gaano man niya kagustong makuha ang pagsang-ayon ng lahat sa kanyang tagumpay ay natural lang na may mga tao pa ring may nasasabi tungkol sa kanyang nakaraan. Puwedeng naiinggit lang sa kanya ang mga taong ‘yun o meron din siyang mga pagkukulang na hindi naman sadya.

Binalikan ng kanyang mga dating kaeskuwela ang mga kahinaan ng magandang aktres nu’ng mga bata pa sila. Madalas, sabi ng kanyang mga dating kaklase, ay pumapasok siyang tastas ang laylayan ng kanyang unipormeng palda.

Kuwento ng aming source, “Mga kaibigan niya ang naglalagay ng perdible sa laylayan ng palda niya. Saka wala siyang baon, mga kaibigan niya ang nagsi-share ng food nila kay ____(pangalan ng young actress).

“Hindi rin siya bright sa klase, nangongopya lang siya, para kasing balewala lang ang education para sa kanya. Hindi siya seryoso, mas gusto pa niyang maglakwatsa kesa sa mag-review,” komento ng aming source tungkol sa magandang aktres.

Pero mas sinuwerte pa siya kesa sa mga ka­klase niyang nagtapos ng kolehiyo. Mas malakas na siyang kumita, popular pa siya, kaya natural lang na maging Spell I (read: inggit) ang mga dati niyang kaeskuwela sa kanya.

Ilang ulit na pala siyang iniimbitahan para sa kanilang class reunion, pero palaging hindi dumarating ang magandang aktres, marami raw kasi siyang trabaho.

“Kahit pa napakaaga siyang sinasabihan na meron silang reunion, hindi talaga siya pumupunta. Hindi niya siguro gustong makasama ang mga kababata niya na feeling niya, e, naglalabas ng mga kuwento nu’ng bata pa siya. Tunog-anghel daw kasi ang name niya, pero in real life, e, mal­dita siya,” pagbibigay pa ng clue ng aming source.

Ubos!

AiAi nawalan ng bigat sa dibdib

Magaan na ang dibdib ngayon ni AiAi delas Alas. Sa aminin at sa hindi ng Comedy Concert Queen ay masyado niyang ininda ang hindi nila pagkakaintindihan nang matagal na panahon ni Kris Aquino.

Kung ordinaryong pagkakaibigan lang ang namagitan sa kanila ay hindi niya naman masyadong iintindihin ang kanilang tampuhan, pero dahil pareho nilang iningatan ang pagkakaibigang ‘yun na Best Friends Forever o BFF pa nga ang kanilang tawagan, naging malalim ang emosyon ng komedyana.

Eksaktong isang taon ay nagkita rin sila sa gitna, si Kris ang gumawa ng unang hakbang na sinalubong niya naman, alam ni Ai-Ai na hindi magiging posible ang pagkakasundo kung pag-urong ang gagawin niya.

“Walang kasing sarap ‘yung alam mong wala ka nang dala-dala sa dibdib mo at alam mong wala ka nang katampuhan. Magaan, maaliwalas ang bawat araw, saka hindi ka nagkakasala kapag nakakaisip ka ng hindi maganda tungkol sa katampuhan mo,” pag-amin ng komedyana.

Kumpleto na ang kanyang kaligayahan ngayon dahil bukod sa pagbabati nila ni Kris ay kulay rosas ang kanyang paligid. Bagets na naturingan pero nagkakasundo sila ng kanyang boyfriend na si Gerald Sibayan, masayang-masaya si Ai-Ai dahil kasundo ng tatlo niyang anak ang binata, nirerespeto ito nina Sancho, Nicolo, at Budang.

“Mahirap makipagrelasyon kapag marami kang pinapakipanimbangan, magaan kapag lahat ng mahal mo sa buhay, e, mahal din ang mahal mo,” makahulugan pang sabi ng Comedy Concert Queen.

Show comments