Kita sa bag, pinakikinabangan ng mga mahihirap na bata!

MANILA, Philippines – Sa panahon ngayon, ang bag ay ginagamit nang simbolo ng karangyaan. Marami ang nahihilig sa mga mamahaling bag.

Pero isang uri ng bag ang kapag binili ay nakakatulong sa mga batang mahihirap. Ito ang produkto ng BAG943, isang kumpanyang non-profit at itinayo ng magkakaibigan na pinagbuklod ng kuwento ng isang mahirap na tao.

Si Josh Mahinay ang simula ng proyektong ito. Galing si Josh sa mahirap na pamil­ya sa Zamboanga Sibugay. Noong bata pa siya, plastic bag ang lalagyan ng kanyang mga gamit sa paaralan. Nabubutas ito ng kanyang mga lapis kaya madalas ay nanghihingi siya nito sa mga tindahan.

Nang magtapos siya sa kolehiyo, sa tulong ng isang kaibigan ay nakapagtrabaho siya sa Amerika bilang tagalinis ng mga kuwarto sa hotel. Labinlimang kuwarto kada araw ang kan­yang nalilinis at minsan dahil sa pagod ay nakatulog siya sa tambakan ng mga maruruming tuwalya at kubre kama.
Sa kabila nito ay nagpursigi siya. Nabayaran niya ang utang dahil sa gastos sa pagtungo sa Amerika, at nagkaroon ng kaunting ipon.

Sa kanyang pagbisita minsan sa kanyang magulang ay nakita niya ang isang batang tulad niya ay plastic ang lalagyan ng gamit sa paaralan.

Dahil dito, sa tulong ng ilang kaibigan ay itinayo nila ang BAG943. Ang BAG ay nangangahulugan ng “Be A Giver”. Ang 943 naman ay ang pinagsama-samang kaarawan nilang magkakaibigan.

Sa bawat isang bag na bibilhin na may halagang P3,200 pataas, may katuwang itong ipamimigay ng BAG943 sa isang bata mula sa mahirap na lugar.

Sa ngayon, halos apat na libong bags na ang naipamimigay nina Josh sa ilalim ng sistemang ito. Ma­raming sikat na tao na rin ang sumusuporta sa proyekto.

Ikinatuwa ni Prof. Solita Monsod ang kabutihang loob at husay sa diskarte ni Josh. Alamin ang iba pang detalye ng buhay ni Josh Mahinay at ng kanilang proyekto sa pambungad na episode ng Bawal Ang Pasaway kay Mareng Winnie sa taong 2015. Napanood ito kagabi sa GMA News TV Channel 11.

Show comments