Showbiz couple na hindi maamin-amin ang relasyon magkasama sa Baguio pagka-Bagong Taon!

Mukhang hindi pa handa ang showbiz couple na ito na aminin ang kanilang relasyon dahil puro pa rin sila paduda. Aamin lang siguro ang dalawa ‘pag naubusan na sila ng alibi kung bakit nasa iisang lugar sila, pero ang drama, hindi sila magkasama o kaya’y hindi magkasabay pumunta.

Pagkatapos ng Bagong Taon, nasa Baguio ang showbiz couple, inunahan nga lang ng aktor ang mga magdududa sa pagsasa­bing ang pamilya niya ang kanyang kasama. Ganu’n din ang sinabi ng aktres, pamilya niya ang kanyang nakasama, pero alam na­ting maliit ang Baguio at isang text lang, mag­kikita sila.

Kung nagkita man, careful ang dalawa na hindi sila mag-post ng pictures na sila’y magkasama. Wala naman sigurong violent reaction kung aaminin ng showbiz couple na sila na dahil break na sila sa kanilang res­pective partners bago naging sila.

Alice mas gustong makipaglaro sa lion kesa tiger

Hindi lang namin nakita dahil madilim sa lugar ng QC Memorial Circle kung saan namin na-interview si Alice Dixson during TV5’s New Year Countdown, pero sabi nito, kahit magaling na ang kagat niya sa hita ng baby Bengal Tiger, may naiwan pa ring scar na tusok ng ngipin nito.

Hindi raw masakit ang kagat dahil naglalaro lang sila ng three-month-old baby Bengal Tiger, pero matalas ang mga ngipin nito at claws. Maharot daw ang baby Tiger kaya mas gusto ni Alice na laruin ang lion kesa tiger dahil mas mabait ang mga ito.

Nilinaw din nitong hindi sa kanya ang Bengal Tiger kundi sa kaibigan niya. Hindi na nito pinanga­lanan ang owner ng Bengal Tiger.  

Kuwento pala ni Alice, hanggang February 2015 na lang ang kontrata niya sa TV5 at hindi pa siya sure for her next move lalo’t may offers sa kanya ang kabilang network. Pero nilinaw ng aktres na priority niya ang TV5 at kung may offer na renewal of contract sa kanya, kanyang pag-aaralan.

Mukha namang bibigyan ng offer si Alice ng contract renewal dahil kasama siya sa cast ng Two and a Half Daddies ng Padilla Brothers at siya ang love interest ni Robin Padilla. This January na raw ang airing ng comedy series.

Miguel at Bianca ‘nanlilito’!

Nalilito ang viewers sa time slot ng Once Upon a Kiss dahil sa TV, pagkatapos ng 24 Oras ang nakalagay na time slot nito at kahit sina Manilyn Reynes, Keempee de Leon, at ibang cast ng series, ito ang alam na time slot. Ang ganu’ng oras ang ipinu-promote nila sa Instagram (IG).

Pero may advisory ang GMA-7 na ang pinalitang Strawberry Lane pa rin ang time slot ng Once Upon a Kiss, after More Than Words mapapanood ang series nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali. Malalaman natin ang totoo nito mamaya, sa pilot airing ng series sa direction ni Bb. Joyce Bernal na magaling magpakilig.

Dahil sa pagsunod ni Christian kay Rachelle Ann sa London, fans umaasang magkabalikan ang dalawa

Tinupad ni Christian Bautista ang sinabi sa launching ng kanyang Soundtrack album under Universal Records na pupunta siya sa London para pano­orin ang mga kaibigang sina Rachelle Ann Go sa Miss Saigon at si Mark Bautista sa Here Lies Love.

Sa London na yata nag-New Year ang singer-actor at isa sa mga unang ginawa ay ang makipagkita kina Rachelle at Mark. May pictures si Christian with the two, pero ang nagpakilig sa fans pa rin nila ni Rachelle ay ang caption niya sa picture nila together na “Proud of this girl! @gorachelleann is going to conquer west end!”

Dahil sa picture nina Christian at Rachelle, may mga nag-wish na magkabalikan ang dalawa, na maging sila na lang uli. Also, na-miss ng fans sina Sarah Geronimo at Erik Santos na kasama sa barkadahan nina Christian, Mark at Rachelle.

 

Show comments