Naging makulay daw ang nagdaang taon para kay Charice. Naging bukas sa publiko ang pakikipagrelasyon ng singer kay Alyssa Quijano at aminado si Charice na kunteto silang dalawa ngayon. “Kasi everyday may natututunan at nare-realize na ganito ang feeling na okay ka na. ‘Yung di mo na naiisip ang sarili mo to be with other. May contentment, ‘yung settled na talaga ang feelings,” nakangiting pahayag ni Charice.
Naging kontrobersyal din ang pagkakaroon ng tampuhan ni Charic1e at inang si Raquel Pempengco noong 2014 kaya marami raw natutunan si Charice dahil sa pangyayaring ito. “Natutunan ko po na tanggapin ang pagkakamali ko kasi ‘yung mga pagkakamali din na ‘yon ay ‘yun din ang nagtuturo sa akin at naging way sa kung ano ang mayroon at nangyayari sa akin ngayon. Hindi ko po nire-regret na nangyari lahat ‘yon. Kumbaga acceptance lang na lahat ‘yon nangyari kasi may ibang plan sa akin si God,” paliwanag ng singer.
Maayos na muli ang samahan ngayon nina Mommy Raquel at Charice. “Walang awkwardness, talagang relax lang. Kung may challenges kapag kasama mo sila okay sila,” pagtatapos ni Charice.
John, walang isyu kay Jake
Kamakailan ay inamin ni Jake Cuenca na talagang dismayado siya sa pagkatalo niya sa Best Supporting Actor Award sa ginanap na PMPC Star Awards for TV ilang linggo na ang nakalilipas.
Si John Estrada ang nagwagi sa nasabing kategorya na kasamahan din ni Jake sa teleseryeng Ikaw Lamang. Dahil dito ay nagkaroon diumano ng isyu sa pagitan ng dalawang aktor kaya nagbigay na rin ng pahayag si John tungkol sa kanyang nakuhang parangal.
“Kumbaga, parang boksingero lang ‘yan eh. Si Manny Pacquaio nga ay natatalo di ba? Siguro sa tingin natin napakagaling niya (Jake) at totoo namang napakagaling niya, pero natsatsambahan siya eh. Kumbaga sa boksing, labanan ‘yan, di mo pwedeng maliitin mga kalaban mo. So I’m sure, hindi naman gano’n ang ano ni Jake. Baka nadala lang ng pressure,” makahulugang pahayag ni John.
Kahit natalo ng aktor si Jake ay maayos pa rin naman daw ang pakikitungo nila sa isa’t isa. “Kaibigan ko si Jake, I like Jake. I always tell him during tapings namin na, for me, this is the best performance ever. In-acknowledge ko ‘yun. Now no’ng ako ay nanalo, na hindi ko naman talaga ini-expect. Anybody kasi can win that eh. I’m just so blessed and lucky enough na sa akin ibinigay, wala akong magagawa,” giit ng aktor. Reports from JAMES C. CANTOS