^

PSN Showbiz

Kaya mga suwerte nakalampas aktres parang alulod ang lalamunan!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Minsan pang binalikan ng isang dating kasa-kasama ng isang pamosong aktres ang mga karanasan nila nu’ng mga panahong nasa kasagsagan ang kasikatan ng babaeng personalidad.

Nanghihinayang ang aming source dahil napakarami raw suwerteng dumaan sa mga palad ng aktres pero pinabayaan din niyang makaalpas. Hindi niya ‘yun iningatan, naging masyado siyang kampante sa kanyang kinabukasan, kung ginawa raw ‘yun ng aktres ay hindi sana siya kinakapos ngayon.

Kuwento ng aming source, “Grabe ‘yun! Halos lahat ng bar, pinupuntahan namin. Mahilig kasi siyang uminom, parang alulod ang lalamunan niya, puro hard pa naman ang brand niya.

“Hindi siya titigil uminom hanggang hindi pa siya humihilahod sa sahig, toma pa rin siya nang toma, parang wala nang Lunes kapag umiinom siya nang Linggo!” madiing kuwento ng aming impormante.

Hindi raw dapat pinapatulan ang mga sinasabi ng aktres kapag nakakainom siya dahil hindi niya ‘yun alam at kayang panindigan.

“Nu’ng minsang magkakasama kami ng maraming reporters, may isang nahilo, tumaas ang blood pressure. Natural, doktor o ospital agad ang maiisip ng lahat kapag ganu’n na ang nangyayari, di ba?

“Sabi ni ____(pangalan ng aktres), ‘Ako na ang bahala sa gagastusin, ipa-confine n’yo na siya, ipaalam n’yo na lang sa akin kung magkano ang hospital bill!’

“Nag-overnight nga ang reporter sa hospital, nakapagpahinga siya, pero parang mas tumaas pa ang BP niya nu’ng malaman niya ang nangyari. Ipinaalam na kasi sa sasagot ng bill niya kung magkano ang dapat bayaran sa ospital.

“Walang makagising kay ____(ang nangakong aktres), may matinding hangover pa sa sobrang pag-inom the previous night. Nu’ng finally, e, magising na siya, may nagsabi sa kanya kung magkano ang babayaran niya sa hospital.

“At parang wala lang sa sarili niyang sinabi ng aktres, ‘Di ba, sabi ko naman sa inyo, huwag n’yong pinapatulan ang mga sinasabi ko kapag lasing ako?’

“Ayun! Naloka ang naospital, mas tumaas pa yata ang blood pressure niya kesa nu’ng nakaraang gabi, kasi, siya rin ang nagbayad sa pagkaka-confine niya!” Tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Ubos!

Jinggoy at Bong bawal pa ring mag-new year sa labas

Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan ang hiling nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla na makasama nila sa pagsalubong sa Bagong Taon ang kanilang mga pamilya sa sarili nilang tahanan.

Hindi puwede, sabi ng husgado, bawal. Pero puwede kapag iba ang humiling, puwedeng pansamantalang lumaya ang nakapiit, kundi ‘yun sina Senador Jinggoy at Senador Bong.

Pero meron naman silang konsuwelo de bobo. Pahahabain ang oras ng kanilang pagsasama-sama sa PNP Custodial Center, puwedeng mamalagi du’n ang kanilang mga mahal sa buhay at mga kaibigan hanggang sa matapos ang putukan bilang pagsalubong sa 2015, palalawigin ang pagdiriwang nila ng Bagong Taon.

At sa pagpasok ng 2015 ay walang ibang hiling ang mga nagmamahal na taga-suporta ng dalawang senador kundi ang mapawalang-bisa sana sila sa mga bintang at akusasyong ibinabato sa laban sa kanila.

Hindi inaasahan ng magkaibigan na ganito ang kauuwian ng sinserong pagmamahal at pagseserbisyong ibinibigay nila sa ating mga kababayan. Ang opinyon ng mas nakararami ay ganu’n talaga ang kanilang kasasadlakan dahil napakalakas nilang katunggali sa darating na halalan.

Sa mundo pa naman ng pulitika, kapag walang butas na masilip ang mga kalaban, gagawa at gagawa sila ng butas para maharangan ang tagumpay ng mga katunggali nila.

Hinding-hindi ‘yun aaminin ng iba, pero totoong-totoo, onli in da Pilipins!

AKTRES

BAGONG TAON

CUSTODIAL CENTER

NIYA

PERO

SENADOR BONG

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with