Nakapag-asawa ng napakayamang Intsik ang aktres na ito. Pinakasalan naman siya at nagkaroon sila ng mga anak. Nabubuhay sa luho ang aktres na nakatira sa magarang tahanan at may magarang mga sasakyan. ‘Yun nga lang, hindi siya nakalalabas kasama ng mga barkadang artista at kung lumabas man ng bahay ay paminsan-minsan lang.
Ganunpaman, kahit para siyang ibong nakakulong sa hawla ay masaya pa rin siya dahil faithful ang asawa sa kanya at naging good provider. Umuuwi siya nang maaga para makapiling ang pamilya.
Kaso, nag-iba ang ihip ng hangin. Napuna ng aktres na nagmumurang kamias ang asawa. Matitingkad na ang kulay ng mga polo nito, nagpagupit ito ng buhok para magmukhang bata at naka-gel pa. Dun lang nalaman ng aktres na may kinalolokohang batang babae ang asawa niyang isang fashion model na super sexy at maganda. Malamang na nakilala raw ito ng kanyang mister sa isang business meeting ayon sa aktres.
Ngayon, lagi nang umuuwi ng halos madaling-araw ang kanyang mister at idinadalangin na sana’y magbago na ito dahil lumalaki na ang kanilang mga anak na bukod sa matatalino ay mga guwapo at magaganda rin.
Bagama’t walang pelikula ang maganda pa ring aktres ay visible naman ito sa showbiz bilang concert producer.