PIK: Maayos na nairaos ang Gabi ng Parangal ng 40th Metro Manila Film Festival (MMFF) na ginanap sa PICC nung kamakalawa ng gabi.
Walang kumontra sa mga napiling winners dahil nagkaisa ang karamihan na deserving ang lahat ng nagwagi.
Kaya inaasahang aahon sa box-office ang nagwaging Festival Best Picture na Bonifacio, Ang Unang Pangulo na sabi nga ng bidang si Robin Padilla, nakaka-10 million pesos pa lang daw ang kinita ng kanyang pelikula. Kaya sana raw ay tangkilikin ito ng mga manonood.
PAK: Ang host ng Gabi ng Parangal na si Kris Aquino ang nag-console kay Coco Martin na kahit hindi raw nito nakuha ang Best Actor award, okay lang dahil box-office lang naman daw talaga ang gusto nila.
“‘Di ba sabi mo box-office lang ang habol natin? Okay na ‘yun,” sabi niya kay Coco na dumalo sa naturang awarding.
Tinalo si Coco ni Derek Ramsay sa napakaepektibo niyang pagganap sa pelikulang English Only, Please. Pero wala roon ang aktor para tanggapin ang kanyang award. Si Jennylyn Mercado ang tumanggap nito at binasa ang mensaheng ipinarating ni Derek.
Si Kris ay hindi nga nominado sa Best Actress category, pero masaya pa rin daw siya dahil patuloy na tumatabo sa takilya ang pelikula niyang Feng Shui 2.
BOOM: Magkasamang dumating sa awards night ng MMFF ang magkasintahang Bernard Palanca at Jerika Ejercito.
Sinabi nilang kinausap daw sila ni Manila Mayor Joseph Estrada at okay naman daw. Ayaw lang nilang ibigay ang buong detalye pero maayos naman daw silang nagkausap. Hindi man nila deretsahang sinabi kung tanggap na ba ni Mayor Erap pang kanilang relasyon.
Hiningan namin si Erap ng reaksyon kaugnay dito, pero hindi siya nagkomento.
Dumalo si Erap sa naturang awards night para tanggapin ang iginawad na parangal para sa kanya bilang Highest Recipient Commemorative Award ng MMFF.