Nagkaroon ng relasyon ang dalawang aktres na nailihim nila nang mahabang panahon. Magkasabayan ang dalawang aktres na ito, pareho silang sumikat nu’ng kanilang kabataan, habang nag-aaway ang kanilang mga fans ay wala silang pakialam dahil meron silang espesyal na pagtitinginan.
Halatado naman sa kanilang dalawa kung sino ang pumapapel na lalaki sa kanilang relasyon, sa kanilang mga galaw pa lang ay malalaman na agad kung sino ang girl, lihim na lihim ang kanilang pagmamahalan.
Kuwento ng aming source, “’Yung mga PA lang nilang dalawa ang nakakaalam ng special relationship nila. Hindi puwedeng silang dalawa lang ang nakakaalam nu’n, meron dapat nakakaalam ng lihim nilang relasyon para magawa nila nang maayos ang operasyon.
“Kunwari, magpapadala ng flowers o food si Actress A kay Actress B, ang mga alalay lang nila ang nagkakaintindihan tungkol du’n. Uso pa nu’n ang mga love letters, kailangang may courier sila, ‘yun ang papel ng mga PA nilang dalawa.
“Ang nakakaloka, awayan nang awayan ang mga supporters nila, walang kaalam-alam ang mga fans nila na wala namang pakialam ang mga idolo nila dahil magkarelasyon nga!” natatawang kuwento ng aming impormante.
Kumalat na lang ang kuwento ng relasyon ng dalawang sumikat na aktres nu’ng umalis ang alalay ni Actress A sa kanyang poder. Ibinuking nito ang kanilang relasyon, nalaman ‘yun ng kanilang mga magulang, hanggang sa pinaghiwalay na sila nang tuluyan.
“Nu’ng bandang huli na ng relasyon nila, e, nagkaroon sila nang matinding away. Binigyan kasi ni Actress A ng diamond ring si Actress B, ‘yun ang engagement ring nila, palaging suut-suot ‘yun ni Actress B kahit saan. Pero napansin ni Actress A, bakit parang wala na ang singsing na ibinigay niya?
“Umamin si Actress B, isinangla pala niya ang diamond ring dahil kinapos siya. Nagwala si Actress A, as in, talagang galit na galit siya! Bakit daw ipeprenda ang singsing na tanda ng pagmamahalan nila?
“’Yun na! Hanggang sa nagkatabangan na sila, hanggang sa isang araw, e, tuluyan na silang naghiwalay. Pareho na silang may mga anak ngayon at pareho na rin silang hiwalay sa mga asawa nila,” pagbibigay pa ng clue ng aming source.
Ubos!
Pelikula nina Derek at Jennylyn may aliw factor!
Puro papuri ang mga tinatanggap naming reaksyon ng mga kaibigan namin tungkol sa pelikula nina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado na ipinalalabas sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Napaka-feel good daw ng English Only, Please, marami raw makaka-relate sa pelikula, aliw na aliw silang lumabas ng sinehan dahil ang galing-galing daw nina Derek at Jennylyn sa pelikula.
Papuri pa ni Obet Sapin, isang loyalist ni Governor Vilma Santos, “Mas naaliw po kami sa pagkakikay ni Jennylyn, magaling siya, very endearing ang role at performance niya. Siya sana ang maging best actress ng MMFF!”
Umariba naman ang pagkabeki ng isang ka-text namin, dahil ang kanyang komento, “Wala akong pakialam kay Jennylyn, ang pakialam ko lang, e, si Papa Derek ko!
“Ang sarap-sarap niya, busog na busog ako kapag nakikita ko ang face at katawan niya. Ulam na ulam talaga si Derek, kanin na lang ang kulang kapag siya ang napapanood ko, napaka-macho talaga niya!”
Tama ang kanilang opinyon na ang magagaling na artista ay kikinang at kikinang sa kahit anong papel na ibigay sa kanila. Walang pinipiling role sina Derek at Jennylyn, kayang-kaya nilang dalhin ang kahit anong karakter na ipinagkakatiwala sa kanila, ganu’n talaga ang mga propesyonal na artista.
“Kung feel good movie ang hanap nila sa MMFF, sa English Only, Please sila pumasok, nakakaaliw talaga ang movie,” papuri pa ni Obet Sapin.