Pagpasok ng 2015 ay magpapakiramdaman na ang mga pulitikong may tinatarget na posisyon sa 2016. Asahan na ang kanilang pagbabago, ang pakikipaglapit sa kanilang mga botante, ang paggamit ng kung sinu-sinong personalidad para mas umingay ang kanilang pangalan.
Matatandaan na ginamit nu’n ng isang bagitong pulitiko sa Kyusi ang isang malusog na komedyante para lang siya mapag-usapan. Talagang nagpapakita silang magkasama sa mga pampublikong lugar para lang mapag-usapan sila.
Nanalo naman ang bagitong pulitiko, malaki ang nagawa para sa kanya ng pakikipaglapit sa malusog na komedyana, kahit pa alam niya ang totoo na wala naman silang relasyon at ginamit lang niya ito para sa kanyang ambisyon.
Kailan lang din ay nagpanggap namang nanliligaw sa isang magandang young actress ang isang pulitikong nag-ambisyong makasungkit ng isang mataas na posisyon sa isang malaking siyudad na sentro ng negosyo at kalakal.
May balitang binigyan ng talent fee ng kampo ng bagitong pulitiko ang young actress, milyon daw ang halaga, walang ibang gagawin ang aktres kundi ang sumama lang sa mga lakad ng pulitiko para masulat-mapag-usapan sila.
May karelasyon ang pulitiko, may boyfriend din ang young actress, pero pinaniwala nila nu’n ang publiko na may romansa sa kanilang pagitan.
Sa malas ay hindi naging epektibo ang kanilang mga kadramahan, olat ang pulitiko sa malaking siyudad, walang nangyari sa kanilang paggamitan.
Kumita ang young actress, pero naunsiyami ang ambisyon ng bagitong pulitiko, bumangga ba naman siya sa pader na niyang kalaban sa napakakontrobersiyal na siyudad ngayon?
Sinu-sino na naman kayang bagitong pulitiko ang handang magbayad ng mga kilalang personalidad para lang sila mapag-usapan? At sinu-sino naman kayang babaeng personalidad ang handang makisakay sa kuwento para lang sila kumita nang walang kahirap-hirap?
Ubos!
Wala talagang nanonood pelikula ni Er first day, last day lang sa mga sinehan?
Pasko nang manood ng mga pelikulang lahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang mga kaibigan namin. Hindi sila nakapasok sa pelikula ni Vice Ganda, SRO raw kasi, kasunod na screening pa ang kailangan nilang hintayin kahit pa free seating naman sa sinehan.
Malaya silang nakapasok sa pelikula nina Bossing Vic Sotto at Ryzza Mae Dizon, tayuan lang nu’ng una, pero nakaupo naman sila nu’ng bandang kalagitnaan na.
Napanood din nila ang pelikula nina Kris Aquino at Coco Martin, nakaupo agad sila, meron pang mga bakanteng seats nang pumasok sila.
Sabi ng aming source, “Ganu’n pa rin ang acting ni Kris, walang pagbabago. Iisa lang. Nagagalit siya, natatakot siya at natutuwa, iisa lang ang expression ng mukha niya.
“Sana, huwag namang panaluning best actress si Kris dahil nakakahiya na. magaling siyang TV host, pero acting ang pinag-uusapan, wala siyang improvement,” komento ng aming kausap.
Napansin din ng mga kaibigan namin na wala halos pumapasok sa pelikula ni dating Governor ER Ejercito. May anunsiyo na raw ang sinehan na kinabukasan pelikula na nina Kris at Coco ang ihahalili du’n.
First day, last day? Talagang ganu’n ang kalakaran, ang pelikulang mahina ay iniaalis agad at ibinibigay ang sinehan sa malalakas na pelikula, para rin makaiwas ang prodyuser ng mahinang pelikula sa pagbabayad ng minimum guarantee sa sinehan.