PIK: Sa Australia nag-Pasko ang mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez kasama ang anak nilang si Nate. Kaya bonding na rin daw sila doon nina Michelle Van Eimeren, kasama sina Sarah at Leila.
Pero bago umalis ang Songbird, nakunan pa ang Christmas episode ng Sarap Diva na kung saan kasama nito ang GMA Primetime Queen na si Marian Rivera.
Ang pagluluto ang isa sa specialty ni Marian, kaya ipapatikim niya ito sa magiging ninang Regine niya sa kusina ng Sarap Diva, na mapapanood sa Sabado ng umaga.
PAK: Sa mga karosa na nagparada sa Metro Manila Film Festival (MMFF) nung nakaraang Martes ng hapon, ang float ng English Only Please ang nalait nang husto.
Hindi kasi maintindihan ang design nito na halos hindi mo makita ang mga artistang nasa itaas ng karosa.
Akala namin, hindi natapos ang paggawa ng float, iyun pala ang paliwanag ng isa sa mga staff, parang giant tissue box daw ‘yung design na may malaking tissue na nasa itaas. Pero tumaas ang kilay ng karamihan dahil hindi raw na-achieve ang gustong palabasin na design. Sana, bumawi sa box-office ang naturang pelikula dahil wala naman itong kalaban sa genre niyang romcom.
BOOM: Si Pauleen Luna siyempre ang kasama ni Vic Sotto na nag-celebrate ng Pasko, kasama ang mga kapatid niya at mga anak.
Napangiti ang komedyante nang tanungin namin kung ito na ba ang huling Pasko na magkasintahan sila. Mrs. Sotto na kaya si Pauleen sa susunod na Pasko?
Sabi naman ni Pauleen, kung iyun daw ang plano ng Diyos, matutupad.
Nilinaw na rin ni Pauleen ang nasulat na gusto na raw niyang magka-baby. Sabi naman niya: “Gusto ko talaga magka-baby, pero dapat nasa proseso. Kasal muna, bago ang baby.”
Mahilig daw kasi siya sa mga bata, kaya tingin daw niya handang-handa na rin siyang mag-alaga ng baby.