^

PSN Showbiz

Mga magulang sa baryo mahilig magpaaral!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Ilang taon na kaming diretsong nagdiriwang ng Pasko sa aming munting nayon sa Nueva Ecija. Galing kami sa isang baryo na apat na kilometro ang layo mula sa bayan.

Hindi nabubura sa aming alaala ang mabato-maputik na daang tinatalunton namin mula sa baryo hanggang bayan para lang kami makapagtapos ng high school.

Bitbit ang mumurahing sapatos para hindi maputikan, nakikihugas kami ng mga paa sa unang bahay sa kabayanan, du’n na kami nagsusuot ng medyas at sapatos at nagpapahinga sandali bago pumasok sa eskuwela.

Napakasaya ng aming kabataan. Mahilig magpaaral ang mga magulang sa aming nayon, kaya para kaming nagpuprusisyon sa dami tuwing umaga at hapon, ang pagod ay nawawala dahil sa mga kuwentuhan naming magkakamag-aral.

Suwerte namin kapag sa aming pag-uwi ay may mga biyaherong dumadaan. Namamakyaw ng mga gulay sa aming nayon ang mga truck, sabay-sabay kaming sisigaw ng “Paangkas po!” at pasalampak na kaming mag-uupuan sa truck, mistula kaming boteng pagulung-gulong sa biyahe na punumpuno ng halakhakan.

Makulay, masaya, at makabuluhan ang aming kabataan. Lahat ay nangangarap, lahat ay nakikiusap para sa isang magandang kinabukasan, at halos lahat naman ay nabiyayaan.

‘Hindi kailanman makahaharang sa pangarap ang kahirapan’

Sa pagdaraan ng panahon ay umunlad na ang aming nayon. Sementado na ang dating mabato-maputik na kalsada papunta sa bayan. Pati ang mga kalye sa aming nayon ay sementado na rin at marami nang bahayan at tindahan.

Tanong ng aming anak na si Rebo, “Ito pong layo na ito, nilalakad n’yo lang nu’n para makapag-aral kayo?” Ayaw niyang maniwala, lalo na kapag ikinukuwento namin sa kanilang magkakapatid na ang baon lang namin sa tanghalian ay kamatis at nilagang itlog, wala kaming pambili ng meryenda kaya gutom at pagod kaming umuuwi sa baryo.

Marami kaming kamag-aral na lumuwas ng Maynila para mag-aral, ang iba nama’y namalagi sa aming nayon para ipagpatuloy ang pagsasaka, may mga nakalusot sa labanan at meron ding mga napag-iwanan.

Pero wala nang mas sasarap pa sa pagbabalik sa iyong pinagmulan. Sariwang hangin, amoy ng namumulakalk na palay, sariwang gatas ng kalabaw sa umaga at mga gulay na walang halong kemikal.

Numipis na ang bilang ng matatandang iniwan namin nang magkolehiyo kami sa Maynila, pero umusbong naman ang mga bagong mukha ng mga batang ipinanganak habang wala kami sa nayon, para pa ring musika sa magkabila naming tenga ang pagtawag sa amin ng “Tenggol” ng aming mga kababaryo.

Magkakasama kaming magpipinsan kapag umuuwi kami, nagpupunta kami sa tumana (bukid), namimitas ng mga gulay at kapag nagkayayaan ay nagpupunta kami sa Dingalan at sa Baguio pa nga kapag nagkakabiglaan.

Araw ng Pasko ngayon. Araw ng pagbabalik-alaala sa aming kabataan na kung sino ang unang magmamano kay Inang (nanay ng aming tatay) ay bibigyan ng isang kabang palay.

At mas tumitining ang pag-alala sa aming mga magulang, sina tatay at nanay na tuwing pagmamanuhan mo ay magsasabi ng “Kaawaan ka ng Diyos,” sabay yakap sa iyo nang mahigpit na parang hindi ka na planong bitiwan.

May mga apo na kami, palagi namin silang isinasama sa baryo, gusto naming iparamdam sa kanila na ang kahirapan kailanman ay hindi makahaharang sa masarap na pangangarap.

Walang matrikula ang pagsasabi ng mga sana-sana sa buhay, libre ang pangangarap para sa lahat, ang biyaya ay hindi lumalapit sa mga hindi naghahanap at hindi marunong magpasalamat sa kanilang ugat.

Maligayang-maligayang Pasko po sa inyong lahat! (Ayyy nakakatuwa naman ‘to Nay Cristy. Maligayang Pasko rin po. – SVA)

AMING

ARAW

KAMI

KAMING

MALIGAYANG PASKO

PARA

PASKO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with