Biglang nangumbida si KC Concepcion sa entertainment press para sa isang thanksgiving party. Kararating lang nito sa bakasyon kung saan namahinga siya mula sa isang nakakapagod na pagdalamhati dahil sa pagkamatay ng kanyang Mamita Elaine Cuneta. Mas gusto pa sana niya ng isang mahaba-habang mourning period, pero napagtanto niya na may mga dapat siyang unahing gawin tulad ng pagpapasalamat sa media kaya nagpa-merienda siya sa isang kainan sa harap ng ABS-CBN.
Ang parang nagbigay lang ng lungkot at alalahanin sa mga inimbita niyang manunulat ay ang pangyayaring parang isinusuko na ng aktres ang sinasabing relasyon nila ni Paulo Avelino.
Parang binibigyan na niya ito ng kalayaan na makatagpo ng bagong mamahalin. Dahil ba sa sinasabi niyang mas bibigyan niya ng prayorirad ang kanyang pamilya kaysa ang mga bagay na may kinalaman sa kanyang puso? Ang lungkot naman!
Obviously, namimighati pa rin ang aktres sa pagpanaw ng kanyang agwela. Mami-miss niya ito lalo na ngayong Pasko at sa malas, nami-miss din siya nito dahil nakakaamoy siya ng bulaklak sa loob ng kanyang kotse. Ipinagdarasal din niya sa Diyos na ang lola niya ang gawin Nitong guardian angel niya para hindi na sila magkahiwalay.
Direk Joyce malakas ang loob na isabong sina Miguel at Bianca
Pinalakpakan ang pagiging matapang ni Bb. Joyce Bernal na direktor ng first full project ng tambalang Miguel Tanfelix at Bianca Umali, ang Once Upon a Kiss sa GMA. Sa pagpapakilala sa kanya sa first grand presscon ng nasabing teleserye ay sinabi niyang inaasahan niyang matatalo nila ang katapat nilang programa sa kalabang istasyon. Ang tambalan ng Kapuso loveteam ang panlaban niya sa napaka-popular na tambalan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
“Pero ayaw ko silang ma-pressure o ma-stress kaya. Kami na lang, para maipagpatuloy pa nila ang magaganda nilang ginagawa na kalulugdan ng manonood,” anang direktor.
Jennylyn single na single at ready to mingle pa rin
Hindi nakapagtataka kung pagtatawanan na lang ni Jennylyn Mercado ang pagli-link sa kanila ng pulitikong si Ronald Singson, na ex din ni Lovi Poe. Hindi kasi niya kilala ito. At ‘yung sinasabing nakita silang dalawa na magkasama sa isang resort ay hindi maaring mangyari dahil may shooting daw siya ng English Only, Please at taping ng Second Chances.
“Single pa rin naman ako hanggang ngayon at walang commitment kahit kanino. Wala akong balak na baguhin ang status ko ngayon. Maraming work na dapat samantalahin,” anang owner ng isang bagong-bagong bahay na mula sa dugo’t pawis ng kanyang pagpapakapagod.