MANILA, Philippines - Si Rey Bufi ang founder ng The Storytelling Project. Bumibisita siya sa mga liblib na lugar para magturo ng pagbasa at mamigay ng libro sa mga bata. Tatlong taon na niya itong panata kasama ang ilang kaibigan. Tatlong linggo rin silang tumitigil sa komunidad na binibista para magkwento sa loob ng isa at kalahating oras araw-araw.
Nang maitampok sa Investigative Documentaries ang kanyang kuwento, mas dumami ang tumulong sa kanyang adhikain.
Sa Pilipinas lang makikita ang mga poste na nasa gitna ng kalsada. Sa patakaran, dapat ay sinasabihan muna ang mga kumpanya ng kuryente at komunikasyon na ilipat ang mga poste, at saka lang gagawin ang daan. Pero madalas ay hindi ito nasusunod kaya naiiwan sa gitna ang mga poste. Nakamamatay ito.
Ganito ang problema sa Cabrera Road, Barangay Dolores sa Taytay Rizal. Kapag gabi, nagkakaroon ng aksidente dahil nagugulat na lang ang mga motorista na may nakaharang palang poste sa gitna ng daan. Binalikan namin ang lugar ngayong buwan. May kumilos na kaya?
Masama ang loob ng mga taga-Bulan, Sorsogon. Limampung puno na daang taong gulang na sa Maharlika Highway ang pinutol. Dahil ito sa mahigit P8 bilyong road projects sa Bicol region. Kinukwestyon ang proyekto dahil hindi raw ito dumaan sa tamang proseso. May opisyal kayang naparusahan dahil dito?
Samahan ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas na balikan ang mga isyung binantayan ng Investigative Documentaries sa buong taon ngayong Huwebes, 8:00 ng gabi kasama sa GMA News TV Channel 11.